Naghatid ng panibagong makasaysayang tagumpay ang Pilipinas sa Aichi-Nagoya 2026 Asian Games matapos masungkit nina Rebecca Cyril Torres, Samantha Veguillas, at Ysabelle Arrogante ang bronse sa women’s team kata ng karate nitong Martes sa Toyohashi Gymnasium.
Tinalo ng trio ang karibal mula Timog-Silangang Asya na Thailand — sina Ramitar Terananon, Monsicha Sakulrattanatara, at Phatcharin Plangplai — sa iskor na 4-1, para sa kauna-unahang medalya ng bansa sa team kata event sa kasaysayan ng Asian Games.
Matindi ang simula ng mga Filipina matapos ang 5-0 sweep laban sa Cambodia, ngunit nabigo sila sa semifinals kontra sa powerhouse Iran, 0-5.
“Wala na kami inisip kung sino kalaban. Basta we claim sa amin ang bronze,” ani Arrogante.
Ang emosyonal na tagumpay ay bunga ng mahabang taon ng tahimik na sakripisyo.
“It has been a long journey. Dami hirap ng mga teammates. Marami losses over the years, pero perform lang, laban lang hanggang dulo,” ani Torres na halos maiyak sa tuwa.
Dagdag inspirasyon ang balitang natanggap nila isang araw bago ang laban — opisyal nang nakapasok ang Pilipinas sa Karate World Cup ngayong Nobyembre sa Hangzhou.
“Na-inspire kami, kaya itutuloy pa namin ito, yung magandang resulta,” dagdag ni Arrogante.
Pinuri ni Head Coach Sonny Montalvo ang dedikasyon ng kanyang mga atleta, na pansamantalang iniwan ang pamilya at ipinagpaliban ang kanilang pag-aaral sa unibersidad para makapag-focus sa training.
Ipinagpasalamat din ng trio ang suporta ng kanilang mga coach at opisyal, partikular ang yumaong dating presidente ng Karate Pilipinas na si Pocholo Veguillas, ama ng kasalukuyang presidente na si Richard Lim, na siya ring chef de mission ng Team Philippines sa Asiad.
Simula pa noong Jakarta 2018 (Junna Tsukii) at Hangzhou 2023 (Sakura Alforte), sunod-sunod nang nakapag-ambag ng bronze medal ang karate para sa bansa.
Gayunpaman, hindi nakalaro si Alforte ngayong taon dahil sa bagong patakaran na lahat ng miyembro ng squad ay dapat lumahok sa team event.

 

Share.
Exit mobile version