Kumpara sa impeachment hearing ng House Committee on Justice laban kay Vice President Sara Duterte noong Abril 14, kung saan humarap ang nagpakilalang bagman ng pangalawang pangulo na si Ramil Madriaga, mas pumatok ang pagdinig noong Abril 22.
Ito ang napag-alaman nang lumalabas na umabot sa 603,734 ang nanood noong Miyerkoles sa Youtube Channel ng House of Representatives kumpara sa mahigit 403,000 na sumubaybay sa April 14 hearing.
Hindi pa kasama rito ang mga nanonood sa ibang channel na nag-stream o nagpalabas sa pagdinig ng komite na tinatayang milyong-milyon ang sumusubaybay sa huling dalawang pagdinig ng komite sa impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Sa pagharap ni Madriaga noong April 14 hearing, idinetalye nito kung saan nito dinala at sino ang mga tumanggap sa confidential funds ni Duterte sa loob ng wala pang 24 oras taliwas sa report noong 2024 na naubos ito sa loob ng 11 araw lamang.
Bukod dito, bagama’t walang koneksyon sa impeachment complaint, ipinakita ni Madriaga kung gaano kapalit ito kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara na posibleng dahilan kung bakit sinubaybayan ng publiko ang pagdinig ng komite.
Gayunpaman, tila nasapawan agad ang record ng viewers na naitala nang humarap si Madriaga sa pagdinig ng komite dahil mas marami ang nanonood noong Miyerkules kung saan tinalakay kung gaano kayaman ang pangalawang pangulo.
Sa nasabing pagdinig, kinumpirma ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura na mula sa 2006 hanggang 2025 ay umaabot umano sa P6.77 billion ang labas-pasok sa bank accounts ni Duterte at mister nitong si Atty. Mans Carpio.
“Hindi tumugma ang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Networth) sa report sa ating ng AMLC,” ani House Committee on Public Account chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon dahil malayo ang halagang ito sa P88.5 million na idineklara ng pangalawang pangulo na yaman nitong noong 2024.
Maliban sa AMLC, humarap din sa nasabing pagdinig sina Ombudsman Jesus Crispin “Boying”Remulla at dating Sen. Antonio Trillanes IV.

Share.