Masayang ibinalita ng Kapamilya actress-singer na si Angeline Quinto na makukuha na niya ang kanyang college diploma ngayong Hunyo 2026.
Magtatapos siya ng Bachelor of Science in Business Administration, Major in Marketing Management mula sa Immaculada Concepcion College.
Ayon sa Birit Queen, walang nakakaalam sa kanyang pamilya na bumalik siya sa pag-aaral.
Nakaplano kasi umano na sorpresahin niya ang mga ito sa kanyang graduation.
“Hindi alam ng family ko at asawa ko na bumalik ako sa kolehiyo. Ang pagtupad ng pangarap walang pinipiling edad. Kahit wala na si Mama Bob, itinuloy ko pa rin ang pangarap,” sabi ni Angge sa contract signing niya sa One Music Management at Star Music.
Ibinahagi rin niya kung gaano kahirap ang pagsabay-sabay ng pag-aaral, trabaho, pagiging ina at asawa, at pagbubuntis para sa kanilang pangalawang baby.
“Noong buntis ako sa pangalawang baby namin, habang ginagawa namin ang ‘What’s Wrong With Secretary Kim,’ sinasagot ko rin ang modules. May mga time na bumagsak ako at nagmamakaawa sa professors ko para makabalik sa school. Salamat sa kanila,” dagdag pa niya.
Samantala, excited din si Angge sa mga susunod na proyekto ngayong taon—mula sa pagbabalik-concert, muling pag-arte, pagri-release ng original single, hanggang paggawa ng OST para sa isang bagong serye.

Share.
Exit mobile version