Naglabas ang US Defense Department nitong Biyernes ng dose-dosenang dating classified files kaugnay ng umano’y UFO sightings matapos utusan ni US President Donald Trump bilang bahagi ng aniya’y “unprecedented transparency” para sa publiko.
Ayon sa Pentagon, susundan pa ito ng karagdagang releases habang mas marami pang materyales ang dine-declassify.
Kabilang sa inilabas na mahigit 160 files ang mga dokumento, larawan at video ng tinatawag na “unidentified anomalous phenomena” (UAP), kabilang ang isang 1947 report hinggil sa “flying discs” at malalabong larawan ng “unidentified phenomena” na kuha umano mula sa lunar missions ng Apollo 12 noong 1969 at Apollo 17 noong 1972.
Sa transcript mula sa Apollo 17 mission, iniulat ng pilot na si Ronald Evans na may nakita silang “very bright particles or fragments” habang nasa kalawakan.
“These files, hidden behind classifications, have long fueled justified speculation — and it’s time the American people see it for themselves,” ayon kay US Defense Secretary Pete Hegseth.
Sinabi naman ni Trump na panahon nang malaman ng publiko kung ano talaga ang nangyayari.
“Whereas previous Administrations have failed to be transparent on this subject, with these new Documents and Videos, the people can decide for themselves, ‘WHAT THE HELL IS GOING ON?’ Have fun and enjoy!” ani Trump.
Pinuri nina US Representatives Tim Burchett at Anna Paulina Luna ang hakbang, habang sinabi ni Luna na may kasunod pang batch ng files na inaasahang ilalabas sa loob ng 30 araw.
Ayon kay Harvard astrophysicist Avi Loeb, ipinapakita ng mga dokumento na seryoso ang gobyerno sa pagkolekta ng mga ulat ukol sa UAP.
“The government has collected records,” ani Loeb, bagamat nilinaw niyang maaaring asteroid impacts lamang ang ilan sa mga nakuhang imahe mula sa buwan.
Gayunman, sinabi ng ilang eksperto na marami sa mga inilabas na files ay dati nang naibunyag sa mga nakaraang administrasyon.
Ayon kay UAP investigator Mick West, karamihan sa mga video at larawan ay walang malinaw na ebidensya ng alien technology o extraterrestrial life.
Samantala, sinabi ng independent journalist na si Leslie Kean na mahalaga pa rin ang paglalabas ng records dahil nagpapakita ito na marami pang impormasyon tungkol sa UAP ang dapat isapubliko.
“I think we’ve already proven the existence of UAP, but that doesn’t mean we’ve proven they’re alien or extraterrestrial or that we know what they are,” ani Kean.

Share.