Matapos ang makapigil-hiningang kampanya sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference, inanunsiyo ng Cignal Super Spikers ang kanilang pansamantalang pagliban sa liga.
Ang desisyong ito ay ilang araw lamang matapos nilang makuha ang runner-up finish sa katatapos lang na torneo.
Ayon sa pamunuan ng koponan nitong Martes, Abril 28, nag-file sila ng leave of absence matapos ang limang taon sa liga.
Sa kanilang opisyal na pahayag, ipinaliwanag ng pamunuan ng Cignal na hindi naging madali ang naging desisyon nilang ito.
“This difficult decision was taken after careful review of Cignal’s strategic direction,” ayon sa pahayag ng koponan.
“Our deepest thanks go out to the players, coaches, and staff who have poured their hearts into this team over the years. And to our fans, who have stood by us, maraming, maraming salamat!” dagdag pa nito.
Maituturing na makasaysayan ang huling laro ng Cignal sa PVL. Ibinuhos nila ang lahat ng kanilang lakas sa Finals Game 2 laban sa Creamline, na umabot sa dikdikang fifth set.
Sa kabila ng ipinakitang determinasyon sa harap ng 17,358 nanood sa Smart Araneta Coliseum, kinapos ang Super Spikers at yumukod sa Cool Smashers sa iskor na 25-23, 22-25, 25-16, 16-25, 15-11 noong April 23.
Ang pagkatalong ito ang nagsilbing huling laro ng team sa liga. Sa loob ng limang taon, nanatiling consistent na podium finisher ang Cignal, na may koleksiyong tatlong silver medals at limang bronze medals.
Nakagawa ang koponan ng tatlong MVP sa loob ng kanilang pananatili sa liga.
Kabilang dito ang huling pagkilala kay Vanie Gandler, na nakamit ang kanyang kauna-unahang individual award matapos ang kanyang impresibong performance sa Game 2 kung saan humakot siya ng 26 puntos, 15 receptions at 14 digs.

Share.