Gustong-gusto na umanong pumasok ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado subali’t hindi niya magawa dahil sa bantang aarestuhin at dadalhin sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
“Lahat ay gustong pumasok siya. Gusto ni Senator Bato pumasok. Ayaw niyang hindi pumasok. Gusto ng minority pumasok siya. Gusto ng majority pumasok siya,” pahayag ni Cayetano sa ambush interview ng mga reporter sa Taguig nitong Martes.
“Anong problema? May threat sa kanya na walang assurance ang gobyerno na mapoprotektahan ‘yung kanyang karapatan,” dagdag niya.
Iginiit ni Cayetano ang posisyon ng Senate minority na ang mga Filipinong nahaharap sa pag-aresto o extradition sa international court ay dapat payagang humanap ng legal na solusyon sa lokal na korte.
“Sa ating konstitusyon, huwes lang, judge lang ang pwede mag-issue ng warrant of arrest. Kaya kung may warrant of arrest galing sa abroad, dadaan pa dapat sa ating judge yun. Yun ang stand namin. Walang makapag-assure kay Senator Bato eh,” ani Cayetano.
“So I talked to someone very close to him. Ang sabi, simple lang sir, ma-assure lang kami ng Philippine government na may day in court siya dito. Kahit arestuhin siya dito, dito sa Pilipinas. Pero yung sasabihin, pwede siyang kunin tapos ipadala na lang sa ibang bansa, ay maninindigan siya,” sambit pa niya.
Sabi pa ni Cayetano, nakahanda umano si Delarosa na ipagtanggo ang kanyang karapatan kung arestuhin siya at dalhin sa ICC.
“I think he also wants to attend. Nami-miss na niya yung trabaho niya sa Senate mismo. Kaya lang kung ang kapalit naman doon, pagtungtong niya doon, bigla siyang arestuhin, bigla siyang isakay sa eroplano at ilipad sa [The] Hague, ilalaban niya yung karapatan niya,” ayon pa sa Senate minority leader.

Share.