Nagbabala ang pinakamalaking producer ng condom sa mundo na posibleng tumaas ng 20% hanggang 30% ang presyo ng condom dahil sa patuloy na epekto ng Iran war sa supply chain at produksiyon.
Ayon sa kompanyang Karex, na gumagawa ng mahigit limang bilyong condom kada taon at supplier ng mga kilalang brand tulad ng Durex at Trojan, ramdam na nila ang pagtaas ng gastos sa produksiyon at pagbagal ng distribusyon.
Sinabi ni Karex CEO Goh Miah Kiat na “napaka-fragile” ng sitwasyon at wala silang magagawa kundi ipasa sa mga customer ang dagdag na gastos.
Ayon pa kay Goh, tumaas din ng humigit-kumulang 30% ang demand sa condom ngayong taon, ngunit nahihirapan ang supply dahil sa pagtaas ng freight costs at shipping delays.
Dahil dito, mas matagal na ngayon ang delivery ng produkto sa mga bansa sa Europe at United States — umaabot na sa halos dalawang buwan mula sa dating isang buwan lamang.
Dagdag pa niya, marami ring condom ang naiipit sa mga barko at hindi agad nakararating sa destinasyon, dahilan para maranasan ng ilang bansa ang kakulangan sa stock.
Sinabi rin ng kompanya na apektado na rin ang presyo ng mga raw material tulad ng synthetic rubber, nitrile, packaging materials at lubricants na ginagamit sa paggawa ng condom.
Ang kaguluhan sa Middle East ay nagdudulot ng pagkaantala sa supply chain, lalo na sa enerhiya at petrochemical products na mahalaga sa produksiyon.
Sa kabila nito, sinabi ng Karex na mayroon pa silang sapat na supply para sa mga susunod na buwan at planong dagdagan ang produksiyon upang tugunan ang lumalaking demand sa buong mundo.

