Maaaring magsimula ang paglilitis sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagitan ng Oktubre 2026 hanggang Pebrero 2027, ayon kay ICC Assistant to Counsel Kristina Conti nitong Biyernes.
“Baka matagal pa. Buwan po ang bibilangin between eight months to one year. So sabihin natin, between October [2026] to February 2027 pa ito,” pahayag ni Conti sa isang ulat.
“Yung paghahanda behind the scenes na natin makikita or walang public hearing yung magaganap na status conferences, magaganap na discussions. Kaya po kapag nagsimula naman ang trial proper, halos tuloy-tuloy na ito,” dagdag niya.
Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity, partikular na murder at attempted murder, kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga.
Ayon kay Conti, sa ilalim ng Rome Statute, kinakailangang dumalo ang akusado sa paglilitis, ngunit may kaluwagan ang ICC tulad ng virtual attendance o livestream participation.
Giit pa niya, hindi maaaring hadlangan ng akusado ang proseso sa pamamagitan ng hindi pagdalo sa korte nang walang sapat na dahilan.
Inaasahang ang unang araw ng paglilitis ay kahalintulad ng arraignment kung saan pormal na babasahin ang mga kaso, kasunod ang paglalatag ng mga alituntunin ng korte. Pagkatapos nito, maghahain ng kani-kanilang kaso ang prosecution at defense.
Isinasagawa ang mga pagdinig ng ICC mula 9 a.m. hanggang 4 p.m., at nakadepende ang iskedyul sa pangangailangan ng mga partido at availability ng courtroom. Inaasahan ding ito ay ililivestream, ngunit may 30 minutong delay dahil sa seguridad.
Ayon kay Conti, maaaring tumagal ng ilang taon ang paglilitis, batay sa mga naunang kaso ng ICC na umabot ng tatlong taon hanggang 10 taon. Maaari rin umanong magdagdag pa ng ebidensya habang tumatakbo ang kaso.
Noong Huwebes, kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang mga kaso ng crimes against humanity laban kay Duterte kaugnay ng mga patayan sa ilalim ng war on drugs noong alkalde pa siya ng Davao City at kalaunan bilang Pangulo. Inatasan din ng hukuman ang registrar na ipasa ang desisyon at buong record ng kaso sa trial stage.
===

Share.