Sa ikinasang buy-bust operation na pinangunahan ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD), nalambat ang dalawang tinaguriang high value individual (HVI) sa loob ng isang fast-food chain sa Pasay City Huwebes ng hapon, Abril 23.
Kinilala ni SPD acting district director P/Col. Glenn Oliver Cinco ang mga nadakip na suspek na sina alyas Chong, 33, pusher na target ng operasyon, at isang alyas John, 26, kapwa residente ng Pasay City.
Base sa report na natanggap ni Cinco, naganap ang operasyon na pinangunahan ng DDEU kabilang ang District Intelligence Division (DID-SPD), Pasay City Police Sub-Station 3, at ng Pasay Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) 2:30 ng hapon sa loob ng isang fast-food outlet na matatagpuan sa panulukan ng Libertad Street at Taft Avenue, Brgy. 92, Pasay City.
Narekober sa posisyon ng mga suspek ang 300 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,040,000, mobile phone, drug paraphernalia, at ang P1,000 buy-bust money na kasama ng tig-P1,000 bogus money na ginamit sa operasyon.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng DDEU ang mga suspek kung saan si alyas Chong ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, habang si alyas John naman ay kinasuhan ng paglabag sa Section 11 at 26 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Samantala, pinuri naman ni Cinco ang mga operatiba na nagsagawa ng operasyon at sinabing ipagpapatuloy ng SPD ang pagtugis sa mga suspek na sangkot sa ilegal na droga upang maprotektahan ang mga komunidad sa lugar ng kanyang nasasakupan.

Share.