Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang P174 milyong halaga ng iba’t ibang iligal na produkto sa isang warehouse sa Valenzuela City sa isinagawang operasyon kasama ang Philippine National Police (PNP), ayon sa ahensya nitong Huwebes.
Ayon sa BOC, isinagawa ang operasyon noong Abril 14 sa pamamagitan ng Letter of Authority laban sa isang warehouse na hinihinalang imbakan ng mga smuggled na produkto na mula umano sa China.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad ang iba’t ibang uri ng produkto bukod sa vape items, kabilang ang makinarya, electronic devices, mga imported na gamot, pagkain, damit, cosmetics, LED lighting products, at iba pang kalakal na may kabuuang halagang humigit-kumulang P174.86 milyon.
Sinabi ng BOC na walang kaukulang importation permits ang mga nasamsam na produkto at pinaghihinalaang lumalabag din sa intellectual property rights, na nagdudulot ng posibleng banta sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Makikipag-ugnayan ang ahensya sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa pagbuo ng kaso at pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa mga sangkot.
Nagbabala si BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na ang pagpasok ng mga smuggled goods sa merkado ay direktang banta sa publiko.
“What concerns us most is that these products, if they make their way into our markets and homes, may pose serious risks to the health and safety of our people,” sabi ni Nepomuceno.

