Nasawi ang isang engineer at kawani ng gobyerno nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa kahabaan ng National Highway sa Poblacion, Buluan, Lunes ng gabi, Abril 20.
Kinilala ang biktima na si Abdul Ambroso Sandigan, 65-anyos, may asawa, at residente ng Tacurong City, Sultan Kudarat.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Buluan Municipal Police Station, 7:30 ng gabi nang maganap ang insidente.
Nakatayo umano ang biktima sa harap ng isang tindahan nang lapitan at bigla na lamang paputukan ng mga salarin gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at likod ang biktima.
Agad isinugod ang biktima sa Buluan District Hospital, subali’t idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Mabilis na rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng hot pursuit at dragnet operations upang matunton ang mga salarin.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa iba’t-ibang yunit para sa posibleng pagharang sa mga ruta ng pagtakas ng mga suspek.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente, kabilang ang pakikipagtulungan sa forensic team upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng krimen.
Sa ngayon, nananatiling walang malinaw na salarin o dahilan sa pamamaril.

Share.