Kinumpirma ng Taguig Police na kinailangan nilang mag-deploy ng sniper at SWAT at sa isinagawang demolisyon ng mga bahay sa Barangay Palingon, Taguig City.
Isinagawa ang demolisyon sa lugar ng Panday Creekside noong Abril 13, 2026 kung saan nasugatan ang ilang pulis at anim na miyembro ng demolition team. Mayroon ding mga naaresto na umano’y sangkot sa insidente ng pagbato.
Nilinaw ng Taguig police na hindi ginamit ang sniper laban sa mga sibilyan.
“Ang presensya ng SWAT at Sniper ay bahagi ng standard security protocol upang matiyak ang kaligtasan ng lahat, mga residente, operatiba, at iba pang sangkot sa demolition. Hindi ito para manakot, kundi isang hakbang upang maiwasan ang anumang posibleng karahasan o paglala ng sitwasyon,” anang pahayag ng Taguig Police.
Iginiit din nila na nanatiling propesyonal ang mga operatiba at nakatuon sa maayos, mapayapa, at ligtas na pagpapatupad ng demolisyon.
“Walang sinuman ang target, ang pangunahing layunin ay protektahan ang buhay at mapanatili ang kaayusan sa komunidad,” dagdag pa nila.
Samantala, kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan–National Capital Region (NCR) ang isinagawang demolisyon at tinawag itong iligal at marahas.
“Tinatayang 1,000 kataong demolition team, 15 na backhoe at nasa 300 na kapulisan/swat ang dineploy. Overkill itong matuturing kumpara sa nasa 300 na pamilya sa komunidad na binubuo ng mga sharer, renter at tenant,” pahayag ng grupo.
Ayon pa sa grupo, gumamit umano ng teargas ang pulisya upang buwagin ang hanay ng mga residente at pitong indibidwal ang inaresto sa loob ng komunidad.
Ibinahagi rin ng isang residente na si Angelita Datu ang kanilang kalagayan sa social media.
“Dito kami sa kalasada titira ,pero sigurado papaalisin pa din kame, wala kameng pupuntahan, wala samin tumutulong wala kameng relokasyon,” aniya.
Sa isa pang post, sinabi niya, “Huling sulyap na ba sa aming masaya, magulo, maingay na lugar, pero di malilimutan ang mga sandaling magkakasama. bumuo kame dito ng pamilya barkada kapatid, matatapos lang sa ganitong demolisyon.”
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga pangyayari kaugnay ng insidente.

Share.