Sugatan ang dalawang pulis nang atakehin at kagatin ng isang lalaking armado ng kutsilyo na nagwala sa loob ng isang residential subdivision sa Barangay Marikina Heights nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Alyas Fred, isang construction worker, ayon kay Metro Manila police chief Police Maj. Gen. Anthony Aberin.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente 6:30 ng gabi sa rooftop ng isang bahay sa subdivision, nang rumesponde ang mga tauhan ng Concepcion Dos Police Sub-Station sa ulat ng barangay tungkol sa isang nagwawalang indibidwal.
Pagdating ng mga rumespondeng pulis, nadatnan nila ang suspek na sumisigaw umano habang may hawak na kutsilyo.
Sinubukan umano nila itong pakalmahin at pakiusapang sumuko, nguni’t tumanggi ito at naging marahas umano.
Ayon sa pulisya, kinagat ng suspek ang isa sa mga pulis sa kanang bahagi ng katawan nito at kinagat din ang isa sa kaliwang tenga.
Agad na inaresto ng mga pulis ang suspek at narekober mula sa kanya ang isang kutsilyo na may habang humigit-kumulang 28 sentimetro kabilang ang hawakan.
Nakadetene ang suspek sa custodial facility ng Marikina City Police Station habang inihahanda ang mga dokumento para sa inquest proceedings sa tanggapan ng piskalya ng Marikina City.
Nahaharap siya sa mga kasong direct assault, alarm and scandal, disobedience to person in authority, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o illegal possession of bladed weapon.
Trending
- Pinas, magho-host ng 2026 Asia and Oceania Sambo Championships sa Hunyo
- Alex Eala, handa na para sa Madrid Open WTA 1000
- Enchong Dee ibinunyag masamang karanasan sa Air France
- Charlie Puth magko-concert sa ‘Pinas
- Britney Spears nagpa-rehab dahil sa alak, droga
- Crime gang leader todas sa engkuentro sa Isabela
- Lider ng Magsanoc group patay, 2 huli sa engkuentro
- 2 katao patay sa sumabog na acetylene tank

