NABIGO ang matagal na negosasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran matapos ang 21 oras na marathon talks noong Abril 12, 2026.
Ayon kay US Vice President JD Vance, tumanggi ang Tehran na tanggapin ang mga kundisyon ng Washington, partikular sa usapin ng nuclear weapons at seguridad sa rehiyon
“Masamang balita ito para sa Iran kaysa sa Amerika,” pahayag ni Vance bago umalis ng Islamabad.
Samantala, iginiit ng Iranian Ministry of Foreign Affairs na wala talagang inaasahan na kasunduan sa unang pagpupulong. “Natural, mula sa simula, hindi dapat asahan na matatapos ang usapan sa isang sesyon lamang,” ayon kay tagapagsalita Esmaeil Baghaei.
Nagpasalamat naman ang Pakistan sa dalawang panig sa pagkilala sa kanilang papel bilang tagapamagitan. Nanawagan si Foreign Minister Ishaq Dar na ipagpatuloy ng US at Iran ang kanilang pangako sa ceasefire at magtrabaho para sa pangmatagalang kapayapaan.
Nagsimula ang US-Israel war laban sa Iran noong Pebrero 28, 2026, na kumalat sa buong Gitnang Silangan.
Higit sa 2,000 katao ang nasawi sa mga pag-atake.
Nagdulot din ito ng global energy crisis matapos higpitan ng Iran ang kontrol sa Strait of Hormuz, kung saan dumadaan ang halos 20% ng pandaigdigang suplay ng langis at gas.
Ang “Peacetalk in Pakistan Failed” ay malinaw na sumasalamin sa kawalan ng kasunduan sa pagitan ng Washington at Tehran. Bagama’t walang napagkasunduan, parehong panig ay nagpahiwatig ng posibilidad ng pagpapatuloy ng negosasyon sa hinaharap.

