Nanawagan ang Supreme Court sa Kongreso na rebisahin ang umiiral na mga batas kaugnay ng acts of lasciviousness matapos nitong matukoy ang kakulangan sa kasalukuyang mga probisyon, kasabay ng paglalabas nito ng panibagong guidelines para sa pare-parehong pag-usig sa mga kasong may kinalaman sa lascivious conduct laban sa mga menor de edad.
Sa isang desisyong nagpatibay sa conviction ng dalawang indibidwal, naglatag ang mataas na hukuman ng mga pamantayan sa mga kasong may parusa sa ilalim ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, gayundin sa acts of lasciviousness sa ilalim ng Revised Penal Code.
Ayon sa Supreme Court, ang Republic Act No. 7610, na inamyendahan ng Republic Act No. 11648 na nagtaas sa edad ng sexual consent sa 16, ay umiiral sa mga menor de edad na 16 pataas ngunit mas mababa sa 18 taong gulang na nakararanas ng sexual abuse.
Sinabi rin ng hukuman na ang Section 5(b) ng Republic Act No. 7610 ay angkop na gamitin kapag ang partisipasyon ng menor de edad ay naudyukan sa pamamagitan ng pressure, manipulation, o abuse of authority na hindi umaabot sa antas ng force o intimidation.
“Section 5(b) does not apply when the lascivious conduct is committed through force or intimidation, or when the victim is deprived of reason, unconscious, or otherwise subjected to fraudulent machination or grave abuse of authority,” ayon sa hukuman sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting.
Ipinaliwanag ng tribunal na sa mga kasong may force o intimidation, ang tamang isampang reklamo ay acts of lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code. Dagdag pa nito, kung ang biktima ay mas mababa sa 12 taong gulang, o mas mababa sa 16 at ang kaso ay hindi saklaw ng Republic Act No. 7610, dapat itong usigin bilang rape o acts of lasciviousness sa ilalim ng Revised Penal Code.
Tinukoy rin ng hukuman ang mga “deficiencies” sa kasalukuyang batas, batay sa kasong kinasasangkutan ng isang lolo na gumawa umano ng “bestial” acts laban sa kanyang menor de edad na apo ngunit napatawan ng parusang “regrettably” mas mababa kaysa sa itinatadhana sa ilalim ng Republic Act No. 7610.
Sa desisyon, binago ng Supreme Court ang parusa sa lolo at hinatulan siya ng anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong dahil sa acts of lasciviousness, bukod pa sa pagbabayad ng P450,000 danyos. Sa antas ng Regional Trial Court, nahatulan siya noon ng lascivious conduct sa ilalim ng Republic Act No. 7610 at sinentensiyahan ng 12 hanggang 17 taong pagkakakulong, kasama ang kabuuang P150,000 na danyos.
Binigyang-diin ng hukuman na hindi nito tungkulin na muling isulat ang batas, at sinabing, “Any modification or enhancement of the prescribed penalties lies within the exclusive province of the legislature, not the judiciary.”
Trending
- Pambato ng PTA umabante sa Philta Women’s Open semis
- Annie Ramirez, Yman Xavier Baluyo PH flag bearers sa Asian Beach Games opening ceremony
- Celeste, ready ng magpa-sexy
- Kyline, magbibigay ng ayuda sa mga driver ng jeep
- Bea-Vincent wedding ‘di tuloy sa May 16
- 12 ex-Marines sa ‘maleta scam,’ Zaldy Co, paghaharapin sa Blue Ribbon hearing
- Validity ng mga lisensya at registration, extended na
- Angkas babawasan komisyon sa mga rider

