Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko laban sa mga pekeng chat message na nangangako ng cash aid kapalit ng personal na impormasyon.
Sa advisory na inilathala sa Facebook page nito, ibinahagi ng DSWD ang screenshot ng isang mensahe na nagsasabing maisasama umano ang tatanggap sa listahan ng mga benepisyaryo ng financial assistance. Kasunod nito, hinihingi ang phone number ng tatanggap.
Itinanggi ng ahensya ang naturang mensahe at binigyang-diin na hindi ito ang paraan ng pagbibigay nito ng ayuda.
“Ang DSWD ay hindi humihingi ng personal na impormasyon sa pamamagitan ng chat o private message kapalit ng cash assistance,” ayon sa ahensya.
“Kung may hinihinging kapalit, magduda ka na. Dito kadalasang nagsisimula ang SCAM,” dagdag nito.
Hinimok ng DSWD ang publiko na huwag magbahagi ng personal na impormasyon at tiyaking mula lamang sa opisyal at mapagkakatiwalaang source ng ahensya ang mga natatanggap na mensahe.
“Bago mag-click, mag-reply, o magbigay ng inyong pagkakakilanlan, tiyaking ito ay mula lamang sa opisyal at mapagkakatiwalaang sources ng DSWD,” diin ng ahensya.
Ayon sa departamento, maaaring makipag-ugnayan ang mga nais mag-avail ng mga programa nito sa mga DSWD Field Office, sa Local Social Welfare and Development Office (LSWDO) sa kanilang lungsod o munisipyo, o sa official Facebook page o website ng DSWD.
“Tandaan: Walang backer, walang bayad at dumadaan sa tamang proseso ang tulong ng DSWD,” paalala ng DSWD.

Share.