Nasawi ang 20-anyos na babae nang aksidenteng tamaan ng improvised air gun na may bala ng kalibre .22 ng live-in partner, sa Tanay, Rizal, noong Sabado.
Sa ulat ng Tanay Municipal Police Station, ang biktima na si alyas “Weng”, residente ng Sitio Natad, Barangay Mamuyao, Tanay Rizal ay hindi umabot nang buhay sa pagamutan dahil sa tama ng bala.
Arestado naman ang suspek na si alyas “Enrico”, 23, nang agad i-report sa kapitan ng barangay ang insidente ng mismong ama niya at narekober din ang improvised air gun nito.
Sa ulat, 5:00 ng hapon ng Marso 28 nang maganap ang insidente sa nasabing barangay.
Nabatid na ang biktima at suspek nasa loob ng kanilang bahay nang maisipang mamitas umano ng buko ang mister.
Bago umalis, nagpa­siya umano ang suspek na bitbitin ang air gun na ginawang baril para sa pag-hunting ng mga paniki o “large fruit bats” subalit sa hindi umano inaasahan ay biglang pumutok at tumama sa kanyang kinakasama.
Dinala ng suspek ang biktima sa bahay ng kapatid na lalaki upang magpasaklolo na itakbo sa ospital.
Nasa anim na kilometro o isang oras na paglalakad bago umano nakarating ang mister habang bitbit ang biktima sa Mamuyao Proper, sa bahay ng kapatid.
Agad namang ini-report ng ama ng suspek ang pangyayari sa barangay na nag-report sa pulisya kaya agad siyang naaresto.

Share.