TINIYAK ng Department of Enery (DoE) na sapat ang suplay ng fuel hanggang sa ikalawang linggo ng Mayo.
Sinabi Energy Secretary Sharon Garin na “on average, there is around 45 days worth of supply for the whole country to date,” base sa kanilang pakikipag-usap sa mga fuel company.
Sa partikular, ang kasalukuyang domestic supply ng gasolina ay inaasahan na magtatagal para sa susunod na 53.14 araw; diesel, 45.82 araw; kerosene, 97.93 araw; jet fuel, 38.62 araw; fuel oil, 61.49 araw; at liquified petroleum gas, 23.51 araw.
Winika ni Garin na patuloy na pumapasok ang suplay sa bansa simula nang makipag-usap ang gobyerno ng Pilipinas sa mga gobyerno ng supplier-countries gaya ng South Korea, Japan at Tsina.
Nakakontrata na rin aniya ang 400 barrel ng Philippine National Oil Company (PNOC) at nakatakda namang um-order ang gobyerno ng mahigit sa 600 barrel ngayong linggo, may kabuuang halaga na P10 billion, mula sa iba’t ibang sources, bilang buffer na requirement para sa buong linggo.
“We are building our buffer despite our limitations. Our team is hard at work in trying to make sure that, kahit na isa or dalawang araw yan that’s an important addition para lang sigurado po na our country does not run dry,” aniya pa rin.
Kaya nga umapela si Garin sa publiko na huwag makipag-ugnayan o madawit sa hoarding at profiteering “because that will really affect the supply of the entire country.”
Sa kabilang dako, sinabi pa rin ni Garin na ang pagtaas ng presyo ng fuel ngayong linggo ay mas maliit kumpara sa nakalipas na linggo.
Para sa gasolina, ang pagtaas ay sa pagitan ng P8 hanggang P12 kada litro; para sa diesel, sa pagitan ng P15 hanggang 18 kada litro; at para sa kerosene, sa pagitan ng P12 hanggang 22 kada litro.
Noong nakaraang linggo, ang presyo ng gasolina ay sumipa sa pagitan ng P79.68 hanggang P90.60 kada litro; diesel, sa pagitan ng P92 hanggang P126.20 kada litro; at kerosene, sa pagitan ng P99.99 hanggang P143.79.
Ngayong linggo, ayon sa Kalihim, ang pagtaas ay nananatiling makabuluhan at may malaking epekto sa ‘transport industry, manufacturing sector, at perang pambili o panggastos ng sambahayan’ bunsod ng mga kaganapan sa Gitnang Silangan.
Gayunman, tinukoy nito ang ilang ahensiya ng gobyerno na nagpapatupad ng mga hakbang para sa kanilang focused-clients para mapagaan ang epekto ng sumirit na presyo ng langis.
Para sa DOE, tungkulin nito na tiyakin ang availability ng suplay.
“Supply is still sufficient. It has not arrived at an alarming level because our regulations require 15 days but so far, we have not gone down to 15 days. We are still at a comfortable level,” aniya pa rin.
Samantala, para kay DOE Energy Utilization Management Bureau director Patrick Aquino, tsinek ng energy audit teams mula sa ahensiya ang 400 government offices sa buong bansa kung saan nakapagrehistro ito ng 87% ng pagsunod.
Para sa DOE lamang, ang compressed workweek, alinsunod sa direktiba ng Malakanyang ay nagresulta ng 40% na pagbaba sa energy consumption simula ng ikasa ang work-from-home arrangement noong Marso 9.

Share.