Todo-handa na si Regine Velasquez-Alcasid para sa kanyang much-awaited “Finale” concert na tatlong gabing aarangkada sa SM Mall of Asia Arena sa October 17, 18 at 19.

Ayon sa source ni Jun Lalin, maraming pasabog na inihahanda ang Asia’s Songbird para sa kanyang fans kaya hindi basta ordinaryong concert ang mapapanood sa tatlong sold-out shows.

Seryoso raw ang paghahanda ni Regine sa bawat detalye ng “Finale,” lalo’t espesyal ang kahulugan ng concert sa kanyang mahabang career.

Sa Friday, September 25, nakatakda naman ang press conference para sa show at isa sa mga inaabangang malaman ay kung sino-sino ang mga artistang posibleng makasama niya sa entablado.

Hanggang ngayon kasi ay hindi pa inilalantad ang kumpletong listahan ng guests na sasabak sa tatlong gabi ng concert.

At dahil sold out na ang “Finale”—pati ang mga karagdagang tickets na inilabas ay naubos—abangers ang fans kung sa presscon na kaya ibubuking ni Regine ang kanyang mga special guests at iba pang sorpresa.

Pero isang bagay ang dapat linawin tungkol sa titulong “Finale.”

Ito ang magiging huling solo concert ni Regine sa isang malaking venue gaya ng MOA Arena, pero hindi nangangahulugang tuluyan na siyang titigil sa pagkanta o paggawa ng shows.

Kaya mali rin ang espekulasyong magreretiro na ang Asia’s Songbird pagkatapos ng “Finale.”

Sa halip, isang malaking milestone ang tatlong gabing concert para sa singer—at mukhang sisiguraduhin niyang memorable ang kanyang huling solo concert sa isang big venue.
=======

Share.