MAKAKALAYA na ang modelong si Deniece Cornejo at Cedric Lee subalit hindi pa ito agad agad kahit may kautusan na ang Court of Appeals (CA)na katumbas sa pagbaba ng bilang ng pagsisilbihang sentensya sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., hihilingin ng Bureau ang kopya ng Entry of Judgment matapos maglabas ang Court of Appeals ng kautusan noong Setyembre 25, 2026, na nag-aatas sa agarang pagpapalaya sa dalawang persons deprived of liberty (PDLs).
Bukod rito, hihilingin pa ng BuCor sa Office of the Clerk of Court ng Regional Trial Court (RTC) ng Taguig City ang Certificate of No Pending Case.
Aniya, ang dokumentong ito ay magiging bahagi ng mga rekord at dokumentasyong kinakailangan upang matukoy ang release status ng mga PDL.
Batay sa mga rekord na ibinigay ng Person Deprived of Liberty Documents and Processing Division (PDPD), sinabi ni Catapang na si Lee ay natanggap sa kustodiya ng BuCor noong Mayo 3, 2024, sa bisa ng Commitment Order na inisyu ng RTC Branch 153, Taguig City.
Siya ay unang hinatulan ng reclusion perpetua para sa serious illegal detention sa ilalim ng Criminal Case No. 153705.
Si Cornejo naman ay natanggap sa kustodiya ng BuCor noong Mayo 2, 2024.
Ang kaso ay kalaunang kinatigan at binago ng Court of Appeals, Manila, Special 17th Division,. Binago ng appellate court ang krimen sa grave coercion at nagpataw ng parusang anim na buwan bilang minimum hanggang tatlong taon, anim na buwan at 21 araw bilang maximum.
Lumabas din sa rekord na nagsisilbi rin ng sentensya sa isa pang kaso sa ilalim ng Criminal Case No. 2802(26741) sa harap ng RTC Branch 266, Taguig City para sa Grave Coercion (to request of information and mittimus) na may parusang 6 hanggang 3 taon at 6 na buwan sa maximum, na kinatigan at binago ng desisyon ng CA 9th Division at wala pang nailalabas na Entry of Judgement, kaya ito ay hinihiling na ngayon sa Judicial Records Division ng naturang korte.
Base sa rekord, ang mga sentensyang ipinataw sa dalawang kaso ay dapat paglingkuran nang magkasunod. Ang pinagsamang sentensya ay kinukuwenta na apat na taon at 21 araw bilang minimum hanggang pitong taon at 21 araw bilang maximum.
Sinusuri ng Bureau ang mga rekord at pagkuwenta ng sentensya upang matiyak na ang anumang pagpapalaya ay isasagawa alinsunod sa kautusan ng appellate court at sa mga umiiral na alituntunin sa pangangasiwa ng sentensya.
Nitong Setyembre 26, 2026, si Lee ay nakaipon ng 460 araw ng Good Conduct Time Allowance (GCTA). Ang kanyang credited time served sa BuCor, kasama ang allowance, ay 3 taon, 10 buwan at 29 na araw. Ang kanyang aktwal na pagkakabilanggo ay 2 taon, pitong buwan at 24 na araw.
Batay sa kasalukuyang pagkuwenta, ang presumptive date ni Lee para sa pagtapos ng minimum sentence ay Pebrero 18, 2027, habang ang presumptive date para sa maximum sentence ay Pebrero 18, 2030.
Samantala, si Cornejo ay nakaipon ng 440 araw ng GCTA at 75 araw ng Time Allowance for Study, Teaching, and Mentoring (TASTM). Ang kanyang credited time served sa BuCor ay 3 taon, 9 na buwan at 24 na araw at aktwal na panahon ng pagkakabilanggo ay 2 taon, apat na buwan at 24 na araw.
Ang kanyang presumptive date para sa pagtapos ng minimum sentence ay Disyembre 23, 2026, habang ang presumptive date para sa maximum sentence ay Disyembre 23, 2029.(Gina Garcia)

