MAKALIPAS ang sampung taon pagtatago sa batas sa kasong panggagahasa sa wakas tuluyan ng naaresto ng kapulisan sa Navotas City.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ang 36-anyos na akusado ay nakatala bilang No. 4 sa Top Ten Most Wanted Person sa Navotas City Police Station.
Nagtago umano ang akusado nang malaman niyang tinutugis siya ng pulisya kasunod ng arrest warrant laban sa kanya na inilabas ng Regional Trial Court (RTC), Branch 287, Navotas City, noong September 19, 2016 para sa kasong Rape.
Gayunman, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela na muling naispatan ang presensya ng akusado sa kanilang lugar kaya agad ikinasa ng pulisya ang operation laban sa kanya.
Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner siya ng mga operatiba Navotas Police Intelligence Section malapit sa kanilang bahay sa Barangay San Roque.
Inaresto siya ng pulisya sa bisa ng nasabing arrest warrant na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Ani BGen. Capili, patuloy na pinalalakas ng NPD ang mga pagsisikap nito sa paghahanap at paghuli sa mga wanted na indibidwal, partikular ang mga Top Most Wanted Persons, sa pamamagitan ng sustained intelligence gathering, inter-unit coordination, at focused police operations.(Roger Panizal)

