TINATAYANG nasa 20,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Croatia,mas mahalaga at madaling maabot ang serbisyo ng pamahalaan,saan man sila sa bansa.

Layunin ng Alagang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Serbisyo Caravan and Consular Outreach, na isinasagawa sa Zagreb simula Septyembre 26 at ngayong araw ng Setyembre 27 upang direktang dalhin sa Filipino community ang mahahalagang serbisyo ng OWWA, Philippine Embassy, MWO Vienna, at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Sa pangunguna nina Ambassador Evangelina Lourdes “Luli” Arroyo-Bernas at OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, pinagsama-sama sa iisang lugar ang welfare, consular, labor, social protection, reintegration, legal, skills, financial, at iba pang frontline government services upang mas maging madali at accessible ang pagkuha ng serbisyo para sa ating mga kababayan.

Umabot sa unang araw ng Zagreb leg, na 1,257 service transactions ang naitala mula sa OWWA at mga katuwang na ahensya, kabilang ang 548 direct OWWA services at 709 services mula sa partner agencies.

Sa OWWA services pa lamang, 352 OWWA e-Cards ang na-release at 196 membership registrations at renewals ang naproseso sa unang araw.

Kabilang sa mga serbisyong available ang Overseas Voter Registration, consular services, OWWA membership registration at renewal, OWWA e-Card issuance, OEC-related services, contract verification, labor and welfare assistance, legal assistance, PhilHealth, Pag-IBIG Fund, SSS, LTO-related services, TESDA programs, banking and financial services, Red Cross services, at iba pang consular at frontline government services.

Mahalagang bahagi ng paghahanda at pagpapatupad ng programa ang OWWA Vienna, sa pangunguna ni Welfare Officer Marivic Clarin, kasama si AS Luie Banzon, ang OWWA team, at ang mga FilCom at OFW volunteers na tumulong sa pag-oorganisa at paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan.

Katuwang din ang MWO Vienna, sa pamumuno ni Labor Attaché Delmer Cruz, kasama ang kanilang team sa paghahatid ng labor-related services at iba pang assistance sa Filipino community.

Kasama rin sa Caravan and Consular Outreach ang DSWD, TESDA, Public Attorney’s Office, PhilHealth, LTO, SSS, PhilHealth, Pag-IBIG Fund, LandBank, at Red Cross, na sama-samang nagdala ng kanilang mga serbisyo sa mga Pilipino sa Croatia.

Kasabay ng Caravan and Consular Outreach ang OWWA Cup Zagreb, na nagbigay rin ng pagkakataon sa Filipino community na magsama-sama sa pamamagitan ng sports at community activities.

Higit sa pagproseso ng dokumento at transaksyon, layunin ng programa na maramdaman ng mga Pilipino sa Croatia na may pamahalaang handang lumapit, makinig, at maghatid ng serbisyo kung nasaan sila.

“Bilin ng Pangulo na ilapit natin ang serbisyo ng gobyerno sa ating mga OFWs. Hindi natin dapat hintayin na sila ang laging lumapit sa atin. Tayo ang dapat pumunta kung nasaan sila. Kaya mula Split hanggang Zagreb, dala natin ang Alagang OWWA Serbisyo Caravan and Consular Outreach upang mas madali nilang ma-access ang serbisyong kailangan nila. Nasaan man sila sa mundo, gusto nating maramdaman ng bawat OFW na may OWWA at may pamahalaang handang umalalay at magmalasakit sa kanila,” pahayag ni Administrator Caunan.

Positibo rin ang naging tugon ng Filipino community sa mga serbisyong kanilang natanggap. Batay sa 428 feedback responses na naitala hanggang Setyembre 26, nakakuha ang programa ng average rating na 4.8 out of 5.0, habang 99.30% ng respondents ang nagsabing irerekomenda nila ang serbisyo sa iba.

Nagpapatuloy ngayong Setyembre 27, mula 9:00 AM hanggang 5:00 PM, ang Alagang OWWA Serbisyo Caravan and Consular Outreach sa Zagreb.

Nauna nang nagsagawa ng outreach sa Split, Croatia, bilang bahagi ng pagsisikap na mailapit ang serbisyo hindi lamang sa kabisera kundi maging sa mga OFW na naninirahan at nagtatrabaho sa iba pang bahagi ng bansa.

Mula Split hanggang Zagreb, iisa ang mensahe: saan man naroon ang ating mga OFW, patuloy na lalapit ang OWWA at ang pamahalaan upang maghatid ng serbisyong may puso. Protektado ka kapag OWWA member ka. (Gina Garcia)

Share.