Kinumpirma ng dating Ateneo Lady Eagles top scorer na si Jhoana “Jho” Maraguinot ang kanyang pagreretiro sa mundo ng pro volleyball sa edad na 30.

Sinabi ng kilalang outside hitter na nag-retire na siya noong nakaraang taon pa.

Isa raw sa mahalagang pangyayari na naging dahilan ng kanyang desisyon ay nang magka-injury siya.

“Honestly, I think ano siya… hindi ko na siya nae-enjoy,” pag-amin niya.

“Parang hindi na siya fulfilling as before na parang dati sobrang excited ko na training kahit training lang, excited ako mag-training na parang hindi ko kailangan i-drag iyong sarili ko pagpunta sa training.”

Ikinuwento rin niya ang ginhawa na nararamdaman ngayong wala na siya sa matinding lifestyle ng isang propesyonal na atleta.

“Hindi na ako nagtatrabaho 24/7 kasi as an athlete… pati tulog mo, kain mo, kailangan talagang binabantayan mo siya,” ani Maraguinot, na naging bahagi pa ng Galeries Tower Highrisers sa 2024-25 PVL All-Filipino Conference.

“‘Pag kulang ‘yung tulog ko, masakit na ‘yung tuhod ko, masakit na ‘yung kasukasuan ko. Pero ngayon ‘pag napupuyat ako, kebs lang,” dagdag niya.

Samantala, ibinahagi niya ang bagong pagkakaabalahan niya ngayon na “Ang Medyo Volleyball Podcast”.

Aniya, magbibigay raw ito ng platform sa mga volleyball player, kabilang na ang buhay nila sa labas ng volleyball.

Share.