BINIGYAG-DIIN ni Senador Robin Padilla ang tungkol sa umano’y pinal niyang desisyon na hindi pagtuloy sa politika at lumipat na lang daw sa isang Islamic country kasama ng kaniyang pamilya.
Sa naging pahayag ni Padilla sa panayam sa kaniya ng media at inere niya rin sa kaniyang Facebook livestream nitong Sabado, Setyembre 19, 2026, sinabi niyang napagdesisyunan na raw nila ng misis niyang si Mariel Rodriguez-Padilla na lumipat sa Islamic country upang palakihin sa isang Islamikong pamamaraan ang kanilang anak.
“Final na po iyon. Napagdesisyunan na po namin ‘yan ng asawa ko. Tutuloy na lang po namin ‘yong aming plano na mag-migrate sa isa Islamic country para mapalaki namin ‘yong anak namin sa isang Islamikong pamamaraan,” pagsisimula niya.
Ani Padilla, tatapusin na lang umano niya ang kaniyang termino hanggang 2028 dahil binoto raw siya ng mga tao para sa tungkulin niyang maging isang senador.
Diin ni Padilla, hindi umano siya nababagay sa politika ng Pilipinas dahil isa raw siyang rebolusyonaryo at maninindigan daw siya sa paniniwalang ito hanggang sa kaniyang pagpanaw.
“Hindi ako bagay sa politika. Hindi ako bagay dito. Iba ang takbo ng politika ng Pilipinas, e. Hindi siya para sa akin. Ako po ay talagang rebolusyonaryo talaga, paninindigan ko na lang po iyon hanggang sa mamatay ako. Kesa pinilit kong kainin ang pagiging politiko,” aniya.
Saad ni Padilla, aayusin lang daw nila ang kanilang sitwasyon at saka nila itutuloy ang planong paglipat sa Islamic country.
Giit pa niya, madali lang naman daw siyang makababalik sa mundo ng pelikula dahil hindi naman ito mawawala.
“Ang aayusin lang po namin talaga ‘yong sitwasyon namin. Kasi naantala lang naman, iyan talaga ang plano namin,” ‘ika niya.
“Naantala lang dahil pinakiusapan ako ng aking Tatay Digong na tumakbo bilang senador para makatulong sa bayan. Pero hindi po ganoon ang direksyon kasi ng politika,” pagtatapos pa niya.
Samantala, inilatag din ni Padilla na ang mga bansang Brunei, Malaysia, o alinman daw sa Scandinavian countries ang pipiliin nilang lipatan.(Nino Aclan)
Trending
- Perpetual nasungkit ang unang panalo sa NCAA basketball
- Jimmy Alapag bukas maging coach ng Gilas Pilipinas
- Joshua Garcia pinuna sa ‘haggard’ look
- Maymay, malakas na ang loob, dumalaw sa puntod ng ina
- Venice, sa ospital nag-bday
- Comprehensive School Safety Framework ikinasa
- Sen. Robin, planong mag-migrate sa Islamic country
- Mahigpit na implementasyon ng waste management

