TINATAYANG nasa higit P200 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha ng mga awtoridad sa babaing sinasabing tulak umano ng ilegal na droga sa buy-bust operation Sabado ng hapon sa Las Pin̈as City.
Nagsagawa ng operasyon ng alas 3:00 ng hapon sa Vera Ville Townhouse BF International Las Pin̈as City ang magkasanib na puwersa ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG), National Capital Region Police Office (NCRPO), Southern Police District (SPD),at Las Pin̈as Police Station laban sa 40 anyos na si alyas “Girlie”.
Nasa kabuuang 30,000 gramo ng umano’y shabu ang nakuha ng pulisya kay alyas Girlie na nagkakahalaga ng PhP 204,000.000.00, pati na ang ginamit na markadong salapi na kinabibilangan ng isang P1,000 genuine bill na nakapatong sa 15 piraso ng tig-P1,000 boodle money, at mobile phone na gamit sa ilegal na transaksiyon.
Sinabi ni SPD Director P/BGen. Rodel Pastor, dadalhin ang mga nasamsam shabu sa kanilang Forensic Group upang isailalim sa chemical examination habang nasa Las Pinas Police Station ang suspek para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 11, Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 laban sa kanya sa Las Pin̈as City Prosecutor’s Office. (Gina Garcia)

