Usap-usapan ng mga netizen ang ibinahaging artificial intelligence (AI) video ni Angelica Yulo sa kaniyang Facebook post kung saan makikitang tila nagsasayaw sila ng mister na si Mark Andrew Yulo sa harapan ng isang simbahan.

Sa video, makikitang tila nakasuot ng red gown si Angelica at red na polo barong naman si Mark Andrew.

“Bakit parang Di naman ako to. Prof Rj Noisap pinagtripan mo na Naman Kami. In fairness si Mark Andrew Yulo kuhang Kuha ang mukha ahaha,” mababasa sa caption ni Angelica.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.

“Lakas mang-asar. Isama mo si mudrakels para mas powers!!”

“Momshie mag renew kayo ni daddy mark ng vows im sure dami aatend dami nyo friends eh ansaya siguro.”

“Magpakasal ulit kayo,red ang motif,red is love”

“Asar-talo si Chloe hahahaha”

Bagama’t wala namang binabanggit, espekulasyon ng mga netizen na “shade” ito ng mag-asawa sa pumutok na isyu kamakailan tungkol sa naging sagot ng kanilang anak na si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo kung iimbitahan ba ang mga magulang sa kasal nila ng partner na si Chloe San Jose, sa panayam ni Karen Davila.

Sagot ni Caloy, “For me, I think, ’cause, yung kasal po namin ‘yan and ako po yung… kami po, relationship po namin ‘yan. And mas pipiliin kong kami na lang and mas… Paano ba? Ayaw ko ding masira yung moment namin para sa aming dapat dalawa,” diretsahang sagot ng atleta.

Dagdag pa niya, “Ayaw ko yung ano, eh, paano po ba, mamantsahan pa. And madami na din silang, madami na silang ginawa na pinatawad ko na and hanggang doon na lang din po. So, hindi po. Yes po, gusto ko sa amin lang po yun, and I really want it to be really full of love and joy kapag nangyari po yun.”

Kasama naman ni Yulo sa panayam si Chloe, na nagpahayag na igagalang niya kung ano ang desisyong komportable para sa kaniyang partner.

Para kay Chloe, anuman ang mangyari sa kanilang magiging wedding day, nais niyang manatiling nakatuon sila ni Caloy sa isa’t isa at hindi sa anumang maaaring sabihin o gawin ng ibang tao sa paligid nila.

Lalong lumala ang gusot nang magparinig sa social media ang isang kaibigan ni Angelica, at sumagot dito si Chloe.

“Kung sakaling magbago naman ang isip nila, so ready ka na ‘di ba? Ito ang dapat mong suotin para makatipid ka na at ‘di ka na bumili ng gown mo. Mag-red ka para naman stand out ang ganda mo! Sandali nasabihan ka ba?” mababasa sa post ng kaibigan ni Angelica.

Bagay na nireplayan naman ng nanay ni Caloy, “Wooooiiiiii ahahah.”

Dito na sumingit sa usapan si Chloe at sinabihan ang ina ng partner na sana raw, ikinukuwento ni Angelica sa kaibigan na nag-usap-usap na sila at sinubukang ayusin ang mga gusot sa pagitan nila.

“Angelica Yulo, baka naman gusto mo ikwento na nag usap-usap na tayo ng maayos? Saksi lahat ng mga anak mo at asawa mo + isa sa mga pinakamalapit mo na kaibigan. Maka-post ‘tong friend mo kuno halatang hindi ka nag kukwento ng totoo sakanya/sakanila LOLLLL HAHAHAH sabagay palabas mo nga sa iba nag walkout ka?? Eh nagyakapan nga tayo bago maghiwa-hiwalay. SENDINGS HUGSSS THO P.S. ‘Di lang ako makapag comment with my personal account, unblock mo na kasi ako chiii,” banat ni Chloe.

Bukod kay Angelica, bigla namang sumingit sa usapan ang ina ni Angelica at lola ni Caloy na si Angelita. Sinabihan niya si Chloe na “nagpapapansin” lang umano dahil iniwan na sila ni “Yza” o si Elaiza Yulo na nakababatang kapatid na babae nina Caloy at Eldrew Yulo.

Iginigiit ni Angelita na “umalis” si Yza sa poder nina Caloy at Chloe at bumalik sa poder ng ina, dahil sa ilang mga hindi pagkakaunawaan. Iginigiit naman ni Chloe na “sinungaling” si Yza sa mga bersyon nito ng kuwento.

Dito na umikot ang patutsadahan ng dalawa patungkol kay Yza, hanggang sa mapunta na sa pagpapadala ng groufie ni Chloe kung saan makikitang nakadila siya sa camera, kasama si Caloy at kapatid na si Eldrew.

Sinita naman ni Angelita ang pagdila ni Chloe sa picture. Aniya, “sanay [na]sanay kang dumila noh Kaya si caloy Baliw na Baliw eh.”

Na binuweltahan naman ni Chloe, “Angelita Villaflor Poquiz Frisco HAHAHAHAA AWEEE WALA NG SENSE MGA REBAT, dila ka din po oh.”

May mga netizen na pinagsabihan pa si Angelita na huwag kutyain ang sariling mga apo.

Nagsanga-sanga pa ang patutsadahan ng dalawa hanggang sa maungkat ulit ang iba’t ibang mga isyu noon, lalo na pagdating sa usaping pera at mga ari-arian.
====

Share.