PINURI ang husay at tiyagang kabataang Pilipino na nanguna ang Region IV-A (CALABARZON) sa WorldSkills Philippines Clark 2026 matapos mag-uwi ng kabuuang 17 medalya at tanghaling overall champion sa pinakamalaking pambansang kompetisyon sa kasanayan sa bansa.
Sa 30 skill areas ng kompetisyon, lumahok ang CALABARZON sa 29 at nakapagtala ng pitong gintong medalya, apat na pilak, tatlong tanso, at tatlong Medallions for Excellence (MFE).
Ginanap ang kompetisyon mula Setyembre 7 hanggang Setyembre 11 sa Clark, Pampanga, na nilahukan ng 18 rehiyon mula sa buong bansa.
Nakuha naman ng Region XI (Davao Region) ang unang runner-up matapos magtala ng 16 na medalya—limang ginto, tatlong pilak, limang tanso, at tatlong MFE. Pumangatlo ang National Capital Region (NCR) na may 15 medalya, kabilang ang apat na ginto, tatlong pilak, dalawang tanso, at anim na MFE.
Sa mensahe sa mga kalahok, binigyang-diin ni TESDA Secretary Kiko Benitez na higit pa sa medalya at ranggo ang tunay na sukatan ng tagumpay sa isang kompetisyon.
“To every young Filipino who stood at a station this week with steady hands and a racing heart — congratulations sa inyo. You did not fail. You competed. There is a difference — and it is the whole difference,” ani Sec. Kiko.
Hindi nakukuha sa isang kompetisyon lamang ang kahusayan sa isang kasanyan. Ito ay hinuhubog sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay, tiyaga, at mga karanasang nagbibigay-daan upang higit pang mapaunlad ng isang tao ang kanyang kakayahan, ani ng Kalihim ng Tesda.
Hinikayat niya ang mga kalahok na ipagpatuloy ang kanilang paghasa sa kasanayan at huwag hayaang matapos sa kompetisyon ang kanilang paglalakbay tungo sa kahusayan.
Binigyang-diin din ni Sec. Benitez ang malaking ambag ng mga Pilipinong skilled worker sa mga industriya at komunidad sa loob at labas ng bansa.
“Filipino skill has always been our quiet superpower,” ani Sec. Kiko, na binanggit ang mga Pilipinong seafarer, welder, technician, hospitality worker, machinist, at iba pang skilled worker na ginagamit ang kanilang kadalubhasaan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Bukod sa pagkilala at mga sertipiko, tumanggap din ng cash incentives ang mga nangunang kalahok sa kompetisyon. May ₱30,000 para sa mga nagwagi ng gintong medalya, ₱20,000 para sa pilak, at ₱15,000 para sa tanso.
Kasabay ng pagtatapos ng WorldSkills Philippines Clark 2026 ang pormal na pagpapasa ng pagho-host ng susunod na edisyon ng kompetisyon mula sa Region III (Central Luzon) patungo sa Region IX (Zamboanga Peninsula).
Magkakaroon ng bagong format ang WorldSkills Philippines 2027. Isasagawa ang kompetisyon sa iba’t ibang lugar at palalawakin ang partisipasyon ng mga institusyong pang-edukasyon, kabilang ang mga high school, technical-vocational institution, higher education institution, at state universities and colleges.
May temang “Your Skills, Your Future,” ipinakita ng WorldSkills Philippines Clark 2026 ang husay, determinasyon, at mga pangarap ng kabataang Pilipino.
Binigyang-diin din ng kompetisyon ang mahalagang papel ng technical-vocational education and training (TVET) sa paghahanda ng isang mahusay, produktibo, at globally competitive na workforce.
Ang kompetisyon ay bahagi ng pagsisikap na maisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mabigyan ang mga manggagawang Pilipino ng mga kasanayang nakaayon sa pangangailangan ng industriya at kayang makipagsabayan sa pandaigdigang pamantayan.(Gina Garcia)

