SASAMPAHAN ng mga kasong administratibo, kriminal, at sibil ang dalawang dating Superintendent ng Correctional Institution for Women (CIW) at limang iba pang tauhan kaugnay sa nawawalang trust fund ng persons deprived of liberty (PDLs), iniutos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr.
Kasunod ng imbestigasyon ng Directorate for Intelligence and Investigation (DII), inaprubahan ni Catapang ang rekomendasyon na simulan ang prosesong administratibo sa BuCor Office of Internal Affairs Service laban kina C/SSupt. Daisy Sevilla-Castillote, CT/SSupt. Marjorie Ann Sanidad, CO2 Bianca Flor Ramos, CO1 Maryrose Abucay, CO1 Madel Figuerres, CO1 Gloria Lakisa, at CO1 Charlot Jennifer Carreon.
Sa investigative report ay natukoy ng DII na si Ramos, na nagsilbing CIW Trust Fund Officer, ay hindi maipaliwanag ang P5,153,375 na halaga ng PDL Trust Fund.
Gayunman, ang halaga sa final audit report ng parallel investigation na isinagawa ng BuCor Internal Audit Service Unit noong Agosto 25, 2026 ay nagpakita ng hindi pa na-account na halagang P6.4 milyon nang hindi ibinabawas ang mahigit P1.2 milyon na naitala na at kokolektahin pa o nakalista bilang receivables.
Sinabi ni BuCor director Catapang na magsasagawa ng pangalawang pagsusuri upang pagtugmain ang diperensya.
Batay sa ulat, haharap si Castillote sa prosesong administratibo dahil sa gross neglect of duty at grave misconduct nang aprubahan ang paggamit ng pera para sa pagsasaayos ng Multipurpose Hall, Overseer’s Office, at Investigation and Verification Section Unit (IVSU).
Na unang acting CIW superintendent si Sanidad bago italaga si Castillote, ay nag-apruba ng pagpapahiram ng P300,000 mula sa Trust Fund para takpan ang LBC remittance na para sana sa mga PDL.
Si Ramos ay hindi maipaliwanag ang nawawalang P5,153,375, si Abucay, bilang bagong CIW Trust Fund Officer, ay responsable sa kawalan ng pormal na turnover document, kawalan ng independent witnesses sa turnover ng pera. At sina Figuerres, Lakisa, at Carreon bilang Trust Fund staff ay nabigo sa pagtatala, dokumentasyon, pagsubaybay, pagre-reconcile, pagpapanatili, at beripikasyon ng mga transaksyon ng Trust Fund at mga kaugnay na rekord.(Gina Garcia)

 

Share.