Pagkakalooban ng “Honoris Causa” o honorary degree ng Philippine Normal University (PNU) si People’s Champ Manny Pacquiao para sa naging ambag niya sa larangan ng Philippine sports, batay sa kaniyang opisyal na anunsyo sa kanilang social media page nitong Miyerkules, Setyembre 9.
Ayon sa PNU na itinuturing na “National Center for Excellence in Teacher Education,” hindi lamang mga tagumpay sa boxing ang naging ambag ng dating senador at ngayon ay chairperson ng National Anti Poverty Commission (NAPC) sa Philippine sports, kundi maging ang inspirasyong dala ng kaniyang paglalakbay mula sa kahirapan tungo sa pagiging isa sa pinakakilalang atleta ng bansa.
Ito ang binigyang-diin sa pagkilala kay Pacquiao bilang recipient ng Doctor in Physical Education (PE) and Sports, Honoris Causa mula sa nabanggit na pamantasan.
Sa pagkilalang ito, binigyang-halaga hindi lamang ang mga world championship belt na napanalunan ni Pacquiao kundi ang mas malawak na kahulugan ng kaniyang karera—na maaaring magmula sa payak na pinagmulan ang kahusayan, hindi kailangang maging hadlang ang kalagayan sa buhay sa pag-abot sa pangarap, at maaaring magsilbing daan ang sports tungo sa personal na pagbabago, social mobility at pagmamalaki sa bansa.
“Yet Pacquiao’s contribution to Philippine sports is bigger than his victories. His greatest legacy lies in what his journey has come to represent: that excellence can emerge from humble beginnings, that circumstances need not dictate one’s destiny, and that sports can become a powerful tool for personal transformation, social mobility, and national pride,” anila.
“This is the kind of excellence that makes Pacquiao a fitting recipient of the Doctor in Physical Education (PE) and Sports, Honoris Causa, from the Philippine Normal University, the country’s National Center for Teacher Education.,” dagdag pa.
Kabilang sa pinakamalaking marka ni Pacquiao sa boxing ang pagiging kauna-unahan at tanging eight-division world champion sa kasaysayan ng boksing. Kinilala rin siya bilang isa sa mga pinakadakilang boksingero sa mundo, dahilan upang magsilbi siyang mukha ng Pilipinas sa international sporting scene.
Higit pa rito, naging simbolo rin ang tagumpay ni Pacquiao ng kakayahan ng isang Pilipinong atleta na makipagsabayan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo. Sa kaniyang mga laban sa iba’t ibang bansa, dala niya ang pangalan at watawat ng Pilipinas, at ilang ulit ding kinilala ng pamahalaan ang kaniyang ambag sa pagbibigay ng karangalan sa bansa sa larangan ng sports.
Hindi rin natapos sa sariling boxing career ang kaniyang kontribusyon sa sports. Sa mga sumunod na taon, naging bahagi siya ng pagsulong ng basketball at sports development sa bansa.
Siya ang founder at CEO ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
Naging ehemplo rin siya ng iba pang mga atletang nagdala ng karangalan sa bansa kagaya nina Olympic gold medalists Hidilyn Diaz at Carlos Yulo, pati na ang pole vaulter na si EJ Obiena.
Sa kaugnay na balita, noong Agosto 27, personal na tinanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang “Doctor of Laws, Honoris Causa” degree na ipinagkaloob sa kaniya ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM) sa isinagawang 58th Commencement Exercises ng pamantasan sa Philippine International Convention Center (PICC), Pasay City.
Ang Honoris Causa ay honorary degree o parangal na ibinibigay ng isang pamantasan o kolehiyo sa isang tao bilang pagkilala sa kaniyang natatanging ambag o kontribusyon sa lipunan, sining, agham, o paglilingkod-bayan, nang hindi na kinakailangang dumaan sa regular na pag-aaral o pagsusulit.
Latin phrase ito na nangangahulugang “for the sake of honor.”
Trending
- Eight-gold target ng PH sa Asian Games
- Alex Gonzaga naiiyak sa tuwing nakikita ang anak
- Sharon Cuneta may dalawang concert sa Amerika
- Ivana Alawi mamimigay ng 20 motorsiklo
- Singil sa kuryente bumaba; may dagdag sa tubig
- P60 KADA ARAW: DAGDAG SUWELDO
- Piso subsob kontra dolyar; pinakagrabe sa kasaysayan
- Ex-Speaker Martin Romualdez kalaboso sa QC City Jail

