Nababahala si Bela Padilla sa mga insidente ng karahasan sa mga paaralan at sa epekto ng walang kontrol na paggamit ng social media sa mga kabataang Pilipino.

Sa vlog ni Maricel Soriano, na kasama niya sa pelikulang “Life After You,” napunta ang usapan sa mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Para kay Bela, nakakadagdag sa kanyang pangamba ang pagiging “chronically online” ng marami, lalo na ang mga batang exposed sa iba’t ibang uri ng content na mabilis na nagpapalit-palit sa kanilang screen.

“Which I find very disturbing. May isa akong interview na binanggit ko ‘to. Nagwo-worry po ako sa generation ngayon, lalo ngayon ang dami nating nakikita na mga nangyayari sa schools na very violent, ‘di ba?” pahayag niya.

Ibinahagi rin ng aktres ang malaking pagkakaiba ng kanyang henerasyon sa mga kabataan ngayon pagdating sa panonood.

Aniya, noong lumalaki siya sa telebisyon, mas malinaw ang boundaries ng mga programang napapanood ng mga bata.

“Kahit paano, alam mo kung ano ‘yong i-expect mo sa TV today, ‘di ba. At mayro’n kang magulang na magsasabing, ‘Oops, ‘wag mong papanoorin ang part na ‘to,’” ani Bela.

May ratings din umano ang mga programa at limitado ang haba ng bawat palabas, kaya may pagkakataon ang mga manonood na makapagpahinga sa mga eksenang kanilang pinapanood.

“And may rating ang TV. Parang rated PG o kung anoman. Ta’s ang isang palabas po dati halos isang oras. At may commercial pa ‘yon. Humihinga ka po sa gitna,” dagdag niya.

Kabaligtaran naman ito ng karanasan ng mga bata sa social media kung saan isang scroll lamang ay maaaring magdala sa kanila mula sa magaan na content patungo sa mga eksenang puno ng karahasan.

“Kapag nag-scroll ka, kahit sa Instagram lang, video ng asong sumasayaw. One minute, sumasaya ka. Next video, giyera. Mga batang putol-putol ang kamay. Na hindi dati natin napapanood sa TV,” saad ng aktres-director.

Para kay Bela, mahalagang pagtuunan ng pansin ang uri ng content na naaabot ng mga kabataan habang lumalaki ang impluwensiya ng social media sa kanilang araw-araw na buhay.
=====

Share.