Maaari nang maharap ang mga hacker sa parusang anim hanggang 12 taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa P2 milyon matapos pagtibayin ng Kamara ang “National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026”.
Ang nasabing panukala na nakapaloob sa House Bill (HB) 9605 ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa botong 198 pabor, 3 ang kumontra at isa ang nag-abstain at inaantay na lamang ang hiwalay na bersyon ng Senado para maging ganap na batas.
“Kapag mas ligtas ang ating digital infrastructure, mas ligtas din ang ating mamamayan,” ani House Speaker Faustino “Bojie” Dy III matapos pagtibayin ang nasabing panukala na nabuo mula sa 29 panukalang batas na inakda ng iba’t ibang kongresista.
Ayon kay Dy, layon ng nasabing panukala na resolbahin ang problema sa digital threats tulad ng fraud, identity theft, data breaches at ransomware, lalo na sa cyberattacks na nagiging dahilan para maapektuhan ang mga mahahalagang serbisyo ng gobyerno.
Napakaimportante aniyang maging batas ang panukalang ito lalo na nakadepende na ang buhay ng mga tao at gobyrerno sa digital system na sinasamantala naman ng mga hackers dahil walang sapat na batas para mabigyan ang mga ito ng mabigat na parusa.
“Kaya kinikilala ng Kamara na kailangan nating palakasin ang kakayahan ng pamahalaan na protektahan ang ating mga kababayan laban sa mga bantang ito,” ani Dy.
“Kung magkaroon ng cyberattack sa mga kritikal na sistemang ginagamit sa kuryente, telekomunikasyon, bangko, at iba pang mahahalagang serbisyo, posibleng libu-libong Pilipino ang maperwisyo. Kaya kailangan nating maging handa bago pa mangyari ang ganitong insidente,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Kapag naging batas ang panukalang ito, magtatatag ang National Cybersecurity Agency (NCSA) na nasa ilalim ng Office of the President, bilang pangunahing responsible sa national cybersecurity policy, planning, coordination at magpapatupad ng batas.
Ang itatayong ahnsyang ito ay magtatakda ng “minimum cybersecurity standards, audit critical information infrastructure, coordinate responses to cyber incidents and strengthen threat-intelligence sharing”.
“Ang cybersecurity ay hindi lamang usapin ng teknolohiya. Usapin ito ng seguridad, serbisyo, at kapakanan ng bawat Pilipino. Kailangang may malinaw na pamantayan, may nakatutok na ahensiya, at may kakayahang tumugon agad kapag may banta,” paliwanag pa ni Dy.
“Maaaring teknikal ang cybersecurity pero simple ang layunin nito. Sa likod ng bawat system, bawat account, at bawat transaction ay isang Pilipinong umaasa na ligtas ang kanyang impormasyon at serbisyo. Iyan ang dapat nating protektahan,” dagdag pa nito.
====
Trending
- National Age Group Triathlon nakatakda Oktubre 24-25 sa Camotes Island
- Eala maaring makaharap si Ruse or Linette sa Cincinnati Open second round
- Netizen, ‘di na raw maniniwala post ni Jimmy
- Kim buntis, ikinasal na sa Amerika?
- Vice Ganda, takbong presidente
- Waste-to-energy program isusulong
- Bagong PH Army chief, nangako na lilikha ng ‘future-ready force’
- Alien Employment Permit ng 6 Chinese kinansela

