KASUNOD ng naunsiyaming pangarap na makasingit sa finals ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, tatangkain ni wing spiker Chenie Tagaod na gawing makatotohanan ang naturang kagustuhan na huling beses naranasan makaraan ang pitong taon para simulan ang kampanya laban sa mahigpit na karibal na University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses sa pinakatampok na laro ng opening weekend ng 87th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament ngayong Sabado sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Isa sa mga itinuturing na dark horse ang Lady Tamaraws ngayong season na napanatili ang malalim na listahan ng manlalaro sa pangunguna ng 23-anyos na fourth-year outside hitter na si Tagaod na lalong naging inspirado at naudyukan ng kagustuhang mas manalo sa pagbabalik si coach Cristina Salak bilang chief tactician.
Sumidhi ang gutom na nadarama ng Lady Tamaraws nang dalhin sa winner-take-all Game 3 ang semifinals noong 86th season kontra sa defending champions na National University (NU) Lady Bulldogs.
Sa kabilang banda, ito rin naman ang nagbigay ng ikalawang pagkatalo sa Golden Tigresses sa nagdaang season at tumalo sa Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Conference bronze medal match, na muling magsasalubong ang landas sa main game sa alas-3 ng hapon, kasunod ng makasaysayang 15 beses na pagtatapat sa championship round, kung saan siyam rito ay napagwagian ng Lady Tamaraws.
Determinado ang 5-foot-6 spiker na dating naglaro sa University of San Jose-Recoletos na gulatin at magpasabog ng puwersa sa bagong season na bitbit ang 9-5 rekord at pagbabalik sa Final Four noong nagdaang season bilang panimulang motibasyon.
Hindi matatawaran ang nakuhang karagdagang dagdag lakas sa pagbabalik ni Salak sa koponan matapos nitong pansamantalang lisanin ang koponan para ibilin kay coach Manolo Refugio upang magretiro.
Subalit sapol nang bumalik ito bilang assistant coach noong nagdaang season, hanggang sa italaga nang chief tactician ng Lady Tamaraws, nagkaroon ng kakaibang sigla at pananaw ang koponan na mas pagbutihan pa anh laro.
Nakuha ng Morayta-based lady squad ang runner-up finish sa 2024 V-League Collegiate Challenge sa likod ng Golden Tigresses sa Game 3, habang nakabawi naman ang Lady Tamaraws sa bronze medal match sa SSL.
“Malaking factor sa team namin na makapag-produce iyong mga rookies namin and malaking addition rin iyung pag-stay ng core. With regards to our preparation, still the same pa rin, baon namin iyung hard work and we’re eyeing is one goal, to win the gold,” pahayag ni Salak.
Makakatulong rin ni Tagaod na tuparin ang inaasam na pangarap ng pinakamatagumpay na lady squad sa anumang collegiate league mula sa 29 kampeonato sina Congolese Faida Bakanke, playmaker Tin Ubaldo, Alyzza Devosora, Gerzel Petallo, Jean Asis, Mitzi Paningin, Juliane Monares, Melody Pons, Margarett Encarnacion at middle blocker Jazlyn Ellarina, gayundin ang mga rookies na sina Lovely Lopez, Clarisse Loresco at Karyll Miranda.