Ibababa na ng Department of Education (DepEd) ang malawakang implementasyon ng isang multi-layered security strategy sa mga paaralan sa bansa bilang parte ng School Safety Campaign kasunod ng shooting incident sa Tacloban City noong nakaraang Lunes, Hunyo 22.
Batay sa pahayag ng DepEd noong Biyernes, Hunyo 26, bahagi ng School Safety Campaign, ay ang pagpapatupad ng inspeksyon sa mga bag gamit ang handheld metal detectors, mas mahigpit na sistema sa visitor management, regular na inspeksyon ng bag, paglalagay ng CCTV cameras, at estratehikong pagtatalaga ng mga security personnel.
Gayundin ang pagsasailalim ng mga pisikal na estruktura ng mga paaralan sa safety audits.
Kabilang dito ang mga bakod, daanan ng mga bisita, ilaw, at emergency exits upang matukoy at maitatag ang high-risk school campus.
Bukod pa rito, sa pambansang antas, aktibo ring inaayon ng DepEd ang mga protocol sa pagtugon kasama ang Philippine National Police (PNP), Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), Liga ng mga Barangay, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Health (DOH).
Lalo ring hihigpitan sa School Safety Campaign ang pamamahala sa mga kaso at inter-agency referral sa ilalim ng Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE) upang matiyak ang mabilis na koordinasyon sa mga lokal na tanggapan ng social welfare, pulisya, at kalusugan.
Para naman sa boses ng komunidad, patuloy na kakausapin ng Schools Division Office (SDO) ang mga pinunog ng Supreme Learner Governments (SLG) at School Governing Parent-Teacher Associations (SGPTA) upang makasagap ng mga ulat sa bullying, cyberbullying, at iba pang hadlang sa pag-uulat ng mga banta.
Upang mabigyang-lakas at proteksyon naman ang mga mag-aaral, ang DepEd ay maglalagay na rin ng mga linya na makatutulong sa pag-ulat ng bullying, karahasan, at iba pang alalahanin.
Dito ay nakatakda ring i-update ng mga paaralan ang kanilang emergency response protocols upang epektibong matugunan ang mga aktibong karahasan, lockdown, at paglikas.
Tiniyak pa ng DepEd na may nakahandang komprehensibong intervention program upang makatanggap ng agarang psychological first aid, counseling, at psychosocial support ang mga biktima, salarin, at nakasaksi sa karahasan.
“We are moving with urgency because protecting our children is our absolute priority, and as President Bongbong Marcos always emphasizes, our schools must strictly remain safe zones for learning,” ani DepEd Sec. Angara.
“Hindi natin hahayaang malagay sa panganib ang ating mga mag-aaral. Kaya lalo nating hihigpitan ang koordinasyon sa ating mga partner at stakeholder upang masigurong hindi na mauulit ang ganitong trahedya,” dagdag pa ng Kalihim.
Trending
- Mommy ni Eman Bacosa: ‘Malinis ka maglaro at ‘di madaya
- Coach Chot Reyes ‘very good coach’ ang pagkakakilala kay Tab Baldwin
- Pops Fernandez nagreak sa kanyang estatwa
- Catriona Gray trending sa Thailand
- Piolo Pascual ‘tinuka’ si Arci Muñoz
- DOT, naglunsad ng discounted travel deals para sa lokal na turismo
- Ikalawang dagdag-toll sa SLEX, STAR, ipatutupad sa Hulyo 1
- Proseso sa pagpapalit ng mga konsyumer ng supplier ng kuryente hiniling paikliin

