Sinabi ng Philippine National Police na maaari nitong gamitin ang posibleng pagdalo ni Senator Ronald dela Rosa sa mga sesyon ng Senado sa pamamagitan ng video conferencing upang matukoy ang kanyang kinaroroonan kung maaprubahan ang panukalang amyenda sa Senate rules.
Lumutang ang usapin sa gitna ng mainit na debate sa pagitan ng majority at minority blocs sa Senado hinggil sa mungkahing pahintulutan ang mga senador na dumalo, bumoto, at makilahok sa mga sesyon sa pamamagitan ng remote o online participation.
Kinuwestiyon ng mga miyembro ng minority bloc ang panukala dahil maaari umano itong mapakinabangan ng mga senador na nahaharap sa mga kaso, imbestigasyon, o arrest warrant, partikular si dela Rosa.
Sa kabila nito, sinabi ng PNP na maaari pa rin nilang gamitin ang online appearance ni dela Rosa upang matukoy ang kanyang lokasyon.
“We will try to ascertain his whereabouts or his location using the link or whatever ‘yung gagamitin nila (they will be using) sa pang teleconferencing,” ayon kay PNP Public Information Office chief Allen Rae Co.
Iniugnay si dela Rosa sa kasong crimes against humanity involving murder na inihain sa International Criminal Court kaugnay ng dating pangulong Rodrigo Duterte.
Nabanggit din sa talakayan sa Senado si Senator Bong Go, na tinukoy bilang co-perpetrator sa ICC complaint, kasama ang iba pang senador na nahaharap sa magkakahiwalay na reklamo at imbestigasyon.
Nagpahayag naman ng pangamba ang mga kritiko sa panukalang amyenda dahil maaari umano itong magamit sa mga impeachment proceedings at iba pang high-profile cases.

Share.