Tinanggal ng Assumption College ang portrait ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda mula sa “Wall of Empowered Women” matapos sabihin ng student council na hindi na umano ito sumasalamin sa mga pagpapahalagang itinataguyod ng paaralan.
Ayon sa Assumption Student Council, “The Assumption Student Council stands firm in its position regarding alumna Sen. Loren Legarda and the call for the removal of her portrait from the Wall of Empowered Women.”
Dagdag pa nila, ang pagkilala sa naturang honor wall ay dapat hindi lang nakabase sa tagumpay kundi pati sa “character, responsibility and moral courage.”
Makikita sa mga kumakalat na larawan online na wala na sa display ang portrait ni Legarda.
Iniugnay ng student council ang kanilang paninindigan sa umano’y “Senate coup” na nag-alis kay dating Senate President Vicente Sotto III, at sa naging suporta umano ni Legarda kay Senate President Alan Peter Cayetano matapos ang leadership change sa Senado.
Ayon pa sa kanila, naganap ang pagbabago ng liderato habang inaasahan ang pagdating ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
“The takeover occurred as the chamber prepared to receive the Articles of Impeachment against Vice President Sara Duterte…” ayon sa council.
Dagdag pa nila, nagdulot umano ang timing ng mga hakbang ng “serious concerns” at maaaring may layuning makaapekto sa proseso.
Iginiit din ng student council na ang naturang wall ay para sa mga babaeng lider na “embody the principles of truth, justice and public accountability.”
Hinimok din nila si Legarda na magpaliwanag, itama ang kanyang hakbang, at ipakita ang panibagong commitment sa accountability at justice.
Sa ngayon, wala pang pahayag mula sa kampo ni Legarda hinggil sa isyu.

Share.