Maaari nang maitalaga sa mga posisyon sa gobyerno ang mga kandidatong natalo sa May 12, 2025 midterm elections matapos magwakas nitong Miyerkules ang isang taong appointment ban, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia sa isang Viber message, tapos na ang restriksyon sa appointment kaya maaari nang magtalaga si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mga natalong kandidato simula Mayo 13, 2026.
“Those who lost in 2025 can be appointed starting today (Wednesday),” ani Garcia.
Sa ilalim ng Section 6, Article 9 (B) ng 1987 Constitution, bawal maitalaga sa anumang posisyon sa gobyerno ang mga kandidatong natalo sa loob ng isang taon matapos ang eleksyon. Layunin nito na maiwasan ang pang-aabuso sa kapangyarihan sa pag-appoint at matiyak ang patas na oportunidad sa serbisyo publiko.
Ayon kay Garcia, nananatiling nasa kapangyarihan ng Pangulo ang mga appointment, basta’t sumusunod sa mga batas.
“Whatever is the reason for the appointment is usually as a matter of tradition, respect and wisdom,” dagdag niya.

Share.