Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Martes na gagawin nila ang lahat ng legal na paraan upang mapigilan ang kanyang pag-aresto kaugnay ng kasong isinampa sa International Criminal Court (ICC) na may kinalaman sa mga umano’y pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
“We will exhaust all available means, legal means kailangang gawin natin lahat para hindi nila tayo madala doon sa The Hague,” pahayag ni Dela Rosa sa panayam sa Super Radyo dzBB. “Sino bang Pilipino na gustong litisin sa ibang bansa?”
Ayon sa kanya, nagsampa ang kanyang kampo ng panibagong manifestation sa Korte Suprema (SC) para sa agarang proteksiyong hudisyal at hihintayin nila ang desisyon ng korte. “As usual, a-attend ako ng session and wait for the ruling of the Supreme Court sa mga petition na pinadala namin dun,” dagdag niya.
Naghain din ang kanyang mga abogado ng urgent manifestation at omnibus motion upang hilingin sa SC na linawin ang legal na epekto ng arrest warrant ng ICC. Giit ni Dela Rosa, kung maglalabas ng warrant ang mababang korte, iaapela nila ito sa Korte Suprema.
“I hope and pray (that a temporary restraining order will be issued by the SC and if there is an arrest warrant from a lower court) ang proseso naman ay hindi lang sa lower court nag-a-appeal, puwedeng umakyat sa taas kaya inunahan na namin sa SC. Hintayin natin ang desisyon ng SC,” aniya.
Sinabi rin ng senador na mananatili siya sa Senado. “Dito lang ako, hindi ako aalis,” pahayag niya, at idinagdag na nanunuluyan siya sa opisina ni Senador Jinggoy Estrada. “Mas maganda ang kuwarto niya, mas maraming pagkain,” aniya, bagama’t aminadong kulang siya sa pahinga.
Dagdag pa niya, nanatili lamang siya sa loob ng Pilipinas habang umiiwas sa pag-aresto: “Anywhere in the Philippines. Luzon, Visayas, Mindanao. Basta I didn’t leave the Philippines. mahal ko ang Pilipinas. I will live and die in this country.”
Ayon kay Dela Rosa, hindi niya kinuha ang kanyang suweldo habang siya ay wala sa Senado at ipinagamit ito sa kanyang mga staff para sa kawanggawa.
Kinumpirma ng ICC na naglabas ito ng arrest warrant laban kay Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay ng mga patayan sa kampanya kontra droga. Nauna nang ipinakita ni dating senador Antonio Trillanes IV ang kopya ng warrant, na iniulat na naisumite sa Philippine Center on Transnational Crime.
Inilagay ng Senado si Dela Rosa sa protective custody at sinabing hindi siya aarestuhin sa loob ng kapulungan. Nauna ring iniulat na tinangkang ipatupad ng National Bureau of Investigation ang warrant sa loob ng Senado, na nagdulot ng tensyon sa pagitan ng mga ahensya.

Share.