Handang magsampa ng kontra reklamo sa Ethics Committee si Senador Francis “Kiko” Pangilinan laban kay Senador Robin Padilla sakaling ituloy nito ang planong ethics complaint kaugnay ng naging mainit nilang sagutan hinggil sa usapin ng International Criminal Court (ICC) at kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay Pangilinan, maaari niyang ireklamo si Padilla dahil umano sa paglabag sa parliamentary rules at kawalan ng proper decorum sa Senado.
“Kung sakali man, sasagutin ko ng kontra-reklamo sa Ethics Committee sa kanyang paglabag sa parliamentary rules at pagiging out of order at sa kawalan ng proper decorum, ang pagbabanta sa akin, pananakot at paninindak sa akin sa plenary session kanina habang naka recess,” ani Pangilinan.
Dagdag pa niya: “Hindi uubra ang pambubully at pa siga-siga sa akin. Mas may basehang kasuhan yang pasiga-siga, pambabastos at ang kawalan ng proper decorum sa kapwa senador sa Senado. Lahat on record.”
Sinabi rin ng senador na karaniwan na umano sa Senado ang pagtataas ng boses sa gitna ng maiinit na debate at ngayon lamang siya nakarinig ng posibleng ethics case dahil dito.
“Sa haba na panahon ko dito sa Senado at sa dami ng sigawan o pagtataas ng boses na nangyari na rito, ngayon lang siguro magkaka-ethics case na ganito,” aniya.
Nagsimula ang tensyon sa plenaryo noong Martes nang imungkahi ni Pangilinan na idaan sa Senate Committee on Rules ang talakayan tungkol sa ICC arrest warrant issue. Gayunman, sumingit si Padilla dahilan upang mapataas ni Pangilinan ang kanyang boses at sabihing, “I still have the floor.”
Kalaunan ay kinuwestiyon ni Padilla kung pinapayagan bang sigawan ng mga senador ang kanilang kapwa mambabatas. Tinanggihan din niya ang tangkang pakikipagkamay ni Pangilinan upang ayusin ang sigalot, kahit pa namagitan si Senate President Pro Tempore Loren Legarda.
“Hindi ko matatanggap ‘yung natural ang sigawan. Not me. Sila kung gusto nila magsigawan sila. Hindi ako kasama dun,” sabi ni Padilla.
Iginiit din niya na dapat humingi ng paumanhin si Pangilinan sa plenaryo.
“Mag-apologize siya. Kailangan sa plenary niya gawin, kasi sa plenary niya ako sinigawan eh,” dagdag nito.

Share.