Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na umabot sa 61,549 kaso ang naaksyunan sa unang implementasyon ng Safer Metro Manila Plan mula Abril 6 hanggang 11, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at barangay.
Ayon sa PNP, karamihan sa mga kaso ay pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar (18,904), sinundan ng paglalakad nang walang damit pang-itaas (5,894), mga menor de edad na lumalabag sa curfew (5,232), at videoke lampas sa itinakdang oras (1,276).
Mayroon ding 30,243 iba pang paglabag sa ordinansa.
Sa kabuuan, 39,205 ang pinagsabihan o pinalaya, 21,317 ang pinagmulta, at 1,027 kaso ang isinampa sa korte.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ipinapakita ng resulta ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na presensya ng pulis at maayos na koordinasyon sa LGU at komunidad.
“Malinaw na kapag tuloy-tuloy ang presensya ng pulis at maayos ang koordinasyon sa LGU at barangay, mas nagiging maayos ang sitwasyon sa komunidad,” aniya.
Ang programa ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mas ligtas at maayos na komunidad.
Samantala, iniutos ni Nartatez ang mas pinaigting na imbestigasyon laban sa suspek sa madugong buy-bust operation sa Bacolod City noong Abril 9 na ikinasawi ng isang pulis.
Nasawi si Master Sgt. Romulo Galvez ng Bacolod City Police Office (BCPO) Police Station 9 drug enforcement team matapos barilin ng 32-anyos na suspek sa Barangay Sincang.
Inatasan ni Nartatez ang Police Regional Office-Negros Island Region at BCPO na tiyaking matibay ang kasong isasampa laban sa suspek at pabilisin ang proseso gamit ang lahat ng available na resources.
Tiniyak din ng PNP na magbibigay sila ng buong tulong at benepisyo sa pamilya ng nasawing pulis.
Trending
- 12 ex-Marines sa ‘maleta scam,’ Zaldy Co, paghaharapin sa Blue Ribbon hearing
- Validity ng mga lisensya at registration, extended na
- Angkas babawasan komisyon sa mga rider
- ‘Missing’ na nene, natagpuang bangkay nakasilid sa sako
- Lalaki sangkot sa hit-and-run, patay sa bangga ng truck
- Tindero sinaksak ng bayaw sa tahol ng aso
- Negosyo ng mga PDL sa mga piitan iniimbestigahan ng BJMP
- 42°C heat index mararamdaman sa Pasay City, 3 pang lugar

