NASA 500 maralitang mga magulang mula sa Day Care Parent Association (DCPA) ang unang makikinabang sa “Rice for Work Program” ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) na sisimulan bukas araw ng Biyernes, Hulyo 31.
Nabatid kay MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, sa ilalim ng programang may temang “Kaagapay sa Hapag-Kainan,” ay tatanggap ng tig-tatlong kilo ng bigas ang bawat kuwalipikadong benepisyaryo kapalit ng pakikilahok sa paglilinis at sanitation activities sa kanilang komunidad.
Ayon pa kay Dela Fuente, magbibigay rin ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng program T-shirt, cleaning materials at iba pang kagamitang gagamitin sa community work.
“Ang mapipiling benepisyaryo ay maglilinis lamang sa kanilang lugar ng 30 minuto sa umaga at 30 minuto sa hapon, pagkatapos noon ay makakakuha na sila ng tatlong kilong bigas,” paliwanag ni Dela Fuente.
Sabay-sabay na ilulunsad ang programa sa Districts 1, 2, 3 at 4 sa Hulyo 31.
Tatakbo ang programa hanggang Agosto 25, tuwing Martes at Huwebes, upang makatulong sa pang-araw-araw na pagkain ng mahihirap na pamilya habang isinusulong ang kalinisan at bolunterismo sa mga komunidad.
Ang nasabing programa ay isa sa mga inisyatibo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na naglalayong maibsan ang nararanasang hirap ng mga maralitang Manilenyo, matiyak na may maihahain silang pagkain sa kanilang pamilya sa oras ng kagipitan, at sabay na mapanatili ang kalinisan sa lungsod.
====
Trending
- Meralco pumalag sa pagsibak sa “system loss”
- Alex Eala sinilat si Svitolina; akyat sa semifinals
- Draymond Green lumagda ng $27.7-M deal sa Warriors
- Alice Dixson fit and fab @ 57
- Sharon Cuneta nagpaalala tungkol sa ‘golden rule’ sa IG Story
- Kathryn Bernardo, Mayor Mark Alcala hiwalay na?
- Suspensyon ng klase sa Nob. 3, ihihirit ng Comelec para sa BSKE
- Pagpapalawig ng estate tax amnesty, inihain ni Bong Go
