Dalawang tulay sa Tarlac ang bumagsak sa magkahiwalay na insidente, habang limang kataong lulan ng isang SUV ang nahulog nang gumuho ang Agana Bridge sa Barangay Tibag, Tarlac City nitong Sabado ng gabi, Agosto 29.

Ayon sa ulat, kasabay ng pagguho ng gitnang bahagi ng Agana Bridge ang pagkahulog ng isang gray Toyota Avanza na may sakay na tatlong lalaki at dalawang babae.

Maririnig pa sa mga video clip na kuha ng residente  na sumisigaw at humihingi ng tulong ang mga sakay ng sasakyan.

Sa rescue operation, isa sa mga sakay na kinilalang si Paul Harvey Collado, na sinasabing may-ari ng sasakyan, ang agad na narekober at isinugod sa kalapit na ospital.

‎Kabilang din sa mga iniulat na sakay na nawawala ay sina James Patrick Taborlupa y Dayao, 35, ; Nathaniel Dizon y Taborlupa, 20, ; Sheila Mae Taborlupa y Dayao, ; at Shanen Tuhao, 26.

Patuloy ang rescue operation habang wala pang malinaw at opisyal na ulat sa eksaktong kalagayan ng iba pang sinasabing sakay ng SUV.

Samantala, nauna nang bumagsak ang gitnang bahagi ng Aquino Bridge noong Agosto 28, dakong alas-11:56 ng gabi na wala namang naiulat na nahulog o nasugatan.

Ang sunod-sunod na pagguho ng dalawang tulay ay nagdulot ng matinding pangamba sa mga residente at motorista, lalo na sa gitna ng malalakas na pag-ulan at rumaragasang tubig.(Danilo Gravador)

 

 

Share.
Exit mobile version