Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na dalawang overseas Filipino workers (OFWs) ang nasawi sa Beirut, Lebanon matapos umanong gawing hostage at pagbabarilin ng kanilang employer noong Abril 15.
Ayon sa DMW, ang mga biktima ay kapwa household service workers na nagtatrabaho sa iisang tahanan. Nasawi ang mga ito sa insidenteng inilarawan ng mga awtoridad bilang hostage situation.
Arestado na ang employer at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang pagsasampa ng pormal na kaso.
Sinabi ng DMW na nakikipag-ugnayan ito sa Philippine Embassy sa Lebanon at sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang masusing imbestigasyon at tamang aksyong legal.
Inatasan ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac ang mga opisyal na magbigay ng tulong sa mga naiwang pamilya ng mga biktima.
Nakatakdang personal na dalawin nina DMW Undersecretaries Bernard Olalia at Felicitas Bay ang mga pamilya upang magpaabot ng pakikiramay at tiyakin ang suporta ng pamahalaan.
Ayon sa ahensya, kabilang sa tulong ang repatriation at pag-access sa mga benepisyo para sa pamilya ng mga nasawi.
Muling pinagtibay ng pamahalaan ng Pilipinas ang pangako nitong itaguyod ang hustisya para sa mga nasawing manggagawa.

