Nagpakita ng suporta ang dalawa pang kapatid ni Kim Chiu habang nagpapatuloy ang legal na usapin ng aktres laban sa kanilang panganay na kapatid na si Lakambini “Lakam” Chiu.
Ibinahagi ng dalawa pang kapatid ni Kim na sina Twinkle Chiu at John Paul “JP” Chiu sa kani-kanilang Instagram Stories ng pahayag ng One Publicity PH, isang fan support group para kay Kim, na nagpapahayag ng pakikiisa sa aktres at sa kaniyang negosyong House of Little Bunny Philippines, Inc. (HOLB).
Ibinahagi ni Twinkle ang naging pagsuporta ng One Publicity PH para sa “It’s Showtime” host.
“We stand with Ms. Kim Chiu and House of Little Bunny Philippines in protecting the company, its employees, and everyone who has worked hard to build the business,” mababasa sa pahayag.
Si JP naman, ibinahagi ang official statement ng kaniyang ate tungkol sa pangkakaso sa kanilang kapatid.
“I do not know where to start po. Sobrang nasasaktan po ako. People may have different opinions with my decision, and I understand that,” mababasa sa opisyal na pahayag ni Kim.
“There are things I cannot talk about because there is an ongoing legal process,” pagpapatuloy ni Kim. “This was never about my personal money. This is about a business which started in 2023, built with years of hard work, sacrifices, and dreams,” aniya pa.
Hindi na nagdagdag sina Twinkle at JP ng mahabang sariling pahayag sa kanilang mga post.
Matatandaang nagsampa ng kasong 124 counts ng qualified theft si Kim laban sa ateng si Lakam sa dahil umano sa hindi awtorisadong pag-withdraw ng corporate funds na umaabot sa humigit-kumulang P44.4 milyon.
Naaresto si Lakam noong Setyembre 20 sa Mandaluyong City sa bisa ng warrant of arrest, at nagtakda ang korte ng piyansang P5.838 milyon.
Naghain naman ng not guilty plea si Lakam sa pamamagitan ng videoconference, sa isinagawang arraignment ng kaso noong Setyembre 24. Dumalo rito si Kim kasama ang Star Magic head na si Direk Lauren Dyogi.
Kalaunan, nakalaya si Lakam matapos makapagpiyansa ng P5.6 milyon sa pamamagitan ng surety bond, at sa tulong na rin ng iba pang mga kaanak at kaibigan.
Bago ang kasuhan, malapit sa isa’t isa sina Kim at Lakam. Sa katunayan, nang ma-comatose si Lakam dahil sa bacterial meningitis, nanawagan ng dasal si Kim sa publiko para sa agarang paggaling ng kapatid.
Saad naman ni Ogie Diaz sa kaniyang YouTube channel, nasabi raw sa kaniya ng isang common friend na nasabi raw ni Lakam na sana raw, hindi na siya binuhay pa ni Kim.

Share.
Exit mobile version