Kapag pormal nang naihain ang partial committee report sa flood control scandal, maaaring imbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee sa susunod na pagdinig ang nadakip na ex-Rep. Elizaldy “Zaldy” Co —kasama si Orly Guteza at ilang dating sundalo na nag-angking naghatid ng P805 bilyon kickbacks mula sa maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang personalidad, batay sa utos ni Co.
Sa pahayag, sinabi ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee chairman Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes na ang mga testimonya ni Guteza at ng mga dating sundalo ay “interconnected” kay Co.
“Plano ko nga, pag nandito si Zaldy Co at pinayagan kami ng korte, pagsasabay-sabayin ko na yan kasi interconnected sila. Si Guteza and ex-soldiers, pagsasabayin ko na sila para magkaalaman kung sino ang truthful, kung sino ang half-truth, at kung sino ang nagsisinungaling,” aniya sa panayam sa DZMM radio.
“O pwedeng i-calibrate, one after the other. Pero mas maganda sa tingin ko magkasabay sa pagdinig ang mga ex-soldiers na sinasabing nag-deliver ng male-maletang P805 bilyon at si Zaldy Co, and kung posible pati si Guteza kasi connected kay Zaldy Co ang testimony ng mga ex-soldiers, para magkaalaman kung ano talaga ang totoo,” dagdag niya sa panayam sa DZBB radio.
Dagdag niya na si Co — na nagsilbing chairman ng House appropriations committee — ay maaaring makapagbigay ng malaking ambag sa mga pagdinig, dahil inilalarawan itong arkitekto ng mga anomalya sa flood control.
“Malaking bagay kung magko-cooperate ang mai-contribute si Zaldy Co. Alam natin siya ang tumatayong parang arkitekto lalo sa pag-insert at paglalagak ng pondo pati pag-allocate particularly sa DPWH,” aniya.
Sinabi din ni Lacson na maaaring imbitahan ng panel ang iba pang personalidad tulad nina dating Undersecretary Adrian Bersamin at dating Budget Secretary Amenah Pangandaman, kung mababanggit sila ni Co sa kanyang testimonya.
Aniya, hindi isinama sa konsiderasyon ang mga naunang pahayag ni Co sa social media dahil hindi ito ginawa sa ilalim ng panunumpa o saklaw ng mga batas ng Pilipinas.
“Wala sa record ng BRC yan. Kaya kung sa testimony niya mabanggit niya ipapatawag natin sila,” aniya.
Tungkol naman kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Speaker Martin Romualdez, sinabi ni Lacson na hindi maaaring ipatawag ng Senado ang Pangulo dahil sa prinsipyo ng separation of powers, habang ang anumang imbitasyon kay Romualdez ay dapat idaan sa Office of the Speaker bilang bahagi ng inter-parliamentary courtesy.
Sinabi ni Lacson na iimbitahan ng Blue Ribbon Committee si Co nang may pahintulot ng korte, dahil may pending arrest warrant siya galing sa Sandiganbayan. Idinagdag niyang naglabas na ng show-cause order ang panel laban kay Co matapos nitong hindi dumalo sa pagdinig noong Enero 19.
Nabanggit na noon ni Lacson na suspendido ang mga susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee habang hinihintay ang kanyang sponsorship ng partial committee report ng panel.
Kumpiyansa siya na makukuha niya ang kinakailangang siyam na lagda upang maihain ang partial report sa plenaryo, kung saan maaari itong pagdebatehan, amyendahan, at pagtibayin ng mga senador.
Si Co, na nag-angking siya ang nagpadaloy ng pera sa matataas na opisyal ng pamahalaan, ay inaresto sa Prague dahil sa umano’y illegal entry. Nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad ng Pilipinas sa kanilang Czech counterparts upang maisaayos ang kanyang pagbabalik sa bansa.

Share.