Binalaan ni Senadora Loren Legarda na walang reporma sa edukasyon ang ganap na magtatagumpay kung patuloy na magdurusa ang mga bata sa malnutrisyon sa kanilang murang edad.
Batay sa pinakahuling datos, tumaas mula 23.6% tungo sa 25.3% ang antas ng child stunting o pagkabansot sa mga batang wala pang limang taong gulang, o halos isa sa apat na bata. Ito ang unang pagtaas sa loob ng isang dekada.
Ayon sa Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), na ipinunto ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), halos isa sa apat na batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ay stunted, tumaas ng 1.7 porsyento mula 2023 at bumaligtad sa pagbaba ng trend mula pa noong 2015.
Ang stunting, na dulot ng matagal na kakulangan sa nutrisyon, ay may pangmatagalang epekto sa paglaki ng katawan, pag-unlad ng utak, kakayahang matuto, at produktibidad sa hinaharap.
Mas mataas ang antas ng stunting sa kanayunan (27.8%) kumpara sa kalunsuran (23.2%), at pinakamabigat ang pasanin sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (36%), Zamboanga Peninsula (34.6%), Negros Island Region (30.9%), at MIMAROPA (30.3%).
Binanggit ni Legarda na ang mga pamilyang nasa pinakamalayong lugar ang pinakatinatamaan kaya’t dapat silang unahin sa pagtugon.
Hindi natatapos ang pinsala sa edad na lima. Natuklasan ng DOST-FNRI na nananatili ang stunting sa 18.9% ng mga batang edad 5–10, at sa 21.4% ng mga kabataang edad 10–19, na nangangahulugang dala ng maraming bata ang epekto ng malnutrisyon sa buong panahon ng kanilang pag-aaral.
“Kapag pinag-uusapan natin ang krisis sa edukasyon, madalas silid-aralan, guro, at mga aklat ang agad nating naiisip. Ngunit ang unang hadlang sa pagkatuto ay maaaring nagsimula bago pa man makapasok sa paaralan ang isang bata. Kung ang isang bata ay lumaking kulang sa nutrisyon, hindi lamang paglaki ang naaapektuhan. Pati kakayahang matuto, makaintindi, mangarap, at makaahon sa buhay ay nalalagay sa alanganin,” pahayag ni Legarda.
Binigyang-diin ng apat na terminong senadora na ang laban sa learning poverty ay dapat magsimula sa pagbibigay ng sapat na nutrisyon mula sa pinakaunang yugto ng buhay.
=====
Trending
- Aerobic Gymnastics Asian Championships ng Senior sa Agosto 4-7
- Gilas bumagsak sa 39th sa FIBA world rankings
- Yassi, Cong. Luigi nag-celebrate matapos ang engagement announcement
- Donny, Belle ‘di na sweet sa isa’t isa?
- Klea, Janella magkasama sa pagbili ng bagong sasakyan
- Kamara, handa na sa Ika-5 SONA ni PBBM
- NBI kinuwestiyon sa magkaibang treatment kay VP Sara sa teacher na nagbanta kay Digong
- Subpoena sa financial records ni VP Sara, inilabas na
