Mukhang may bagong tambalang dapat abangan sa big screen dahil trailer pa lang ng “Stuck On You,” agaw-pansin na agad ang chemistry nina Xyriel Manabat at River Joseph.

Isa sa pinag-uusapang eksena sa teaser ang bathtub scene ng dalawa, na nagbigay ng patikim sa mas mature na takbo ng pelikulang idinirek ni Mikko Baldoza at kalahok sa Puregold CinePanalo Film Festival 2026.

Pero higit sa kanilang onscreen chemistry, dream come true rin para kina Xyriel at River ang pagkakataong magsama sa isang proyekto dahil matagal na pala nila itong pinag-uusapan.

“Masaya, kasi mga mina-manifest lang namin ito sa loob ng Bahay ni Kuya noon,” kuwento ni Xyriel.

“Lagi naming sinasabi na sana magkatrabaho kaming dalawa. Hindi namin alam na magiging ganito kabilis, na magwu-work kami agad,” dagdag naman ni River.

Kaya nang makita ni Xyriel kung sino ang makakasama niya sa pelikula, hindi na raw siya nagdalawang-isip.

“Noong in-offer ito, nakita ko ang pangalan ni River, nag-yes agad ako! Hahaha!” hirit niya.

“Yes agad, no questions asked!” segunda naman ni River.

Magaan din umano ang naging samahan nila sa set at walang naging problema sa pagtatrabaho bilang magka-partner sa pelikula.

“Sobrang chill, na nagtutulungan talaga sa shooting, ang light nga, magaan!” saad ni Xyriel.

Pagdating naman sa pagiging mature ng kanyang role, ipinaliwanag ng aktres na malaking bahagi nito ang pagiging “delulu” ng kanyang karakter pagdating sa pag-ibig.

“Sa pagka-delulu ng character ko, parang mature na rin. Pero depende kasi kung paano n’yo ita-translate ang character ko. Delusional kasi ako sa movie, at characteristic naman ng isang babae na immature ‘yon minsan, na may nagagawa tayong ganu’n pagdating sa pag-ibig,” paliwanag niya.

May pagkakatulad din umano sila ng kanilang characters, partikular sa pagpapahalaga sa pamilya.

“Pareho kami ni River na family oriented, doon siguro pareho. In real life kasi grabe rin naming mahalin ang pamilya namin,” ani Xyriel.

Proud din ang aktres sa ipinakitang performance ni River. Kahit baguhan pa lamang ito sa industriya, nakita raw niya ang willingness nitong matuto at makinig sa mga payo.

“Open siya for improvement, open siya for guidance, at `yung humility ni River, `yun talaga ang nakapagpa-very good sa kanya!” papuri ni Xyriel.

Ganoon din ang paghanga ni River sa kanyang leading lady, na marami raw naitulong sa kanya pagdating sa pag-arte at pakikitungo sa mga tao sa production.

“Ang daming acting tips sa akin ni Xyriel. Ino-observe ko lang siya, ang dami ko nang natutunan sa kanya. `Yung professionalism niya, `yung energy na dinadala niya, kung paano niya i-treat ang mga crew, parang it’s such a healthy environment,” saad ni River.

At para sa mga na-intriga na sa bathtub scene na ipinasilip sa trailer, may pahabol si Xyriel—patikim pa lamang daw iyon sa mga eksenang naghihintay sa pelikula.

“Wala pa `yon! No spoiler na lang. Pero wala pa `yon!” natatawang sey niya.
======

Share.
Exit mobile version