Nakiisa si Vice President Sara Duterte sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto.

“Ang ating wika ang kaluluwa ng ating kultura, tulay ng ating pagkakaisa, at salamin ng ating kasaysayan,” ani Duterte sa kanyang mensahe nitong Lunes, Agosto 24,

Hinimok ni Duterte ang mga Pilipino na patuloy na gamitin at palakasin ang wikang Filipino kasabay ng mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence (AI) at iba pang makabagong teknolohiya.

“Sa pagpasok ng makabagong teknolohiya, siguruhin natin na ang ating pambansang wika ay hindi naiiwan—kundi nananatiling sandata sa karunungan at digital na inobasyon,” anang pangalawang pangulo.

“Ito ang landas tungo sa ating pangarap—isang bansa kung saan ligtas, edukado, at may magandang kinabukasan ang bawat bata at walang pamilyang naiiwan sa kahirapan.,” dagdag pa niya.

Binanggit din ni Duterte ang mga overseas Filipino workers (OFW), kung saan sinabi niyang nagsisilbing tahanan ang sariling wika saanman sila mapunta.

“Para sa ating mga kababayan at mga OFW, alam kong walang hihigit sa kapanatagan na marinig ang ating sariling wika sa dayuhang lupain. Ang ating wika ang inyong tahanan, saanman kayo mapadpad.” aniya.

“Kaya naman, sabay-sabay nating ipagdiwang ang ating pagka-Filipino gamit ang tinig na nagbibigay-buhay sa ating lahi saan man tayo sa mundo,” dagdag pa ni Duterte.

 

===

Share.
Exit mobile version