Naaresto ng mga awtoridad ang isang most wanted person sa provincial level sa isinagawang operasyon sa Brgy. Sta. Cruz, Santa Maria, Bulacan kamakalawa ng tanghali..
Ayon sa ulat ni PLt.Colonel Mark Louie M Sigua, hepe ng Santa Maria MPS, kinilala ang naaresto bilang si alyas JC, 27 taong gulang, Top 7 Most Wanted Person sa provincial level at kasalukuyang residente ng Brgy. Sta. Cruz, Santa Maria, Bulacan.
Ang pag-aresto ay isinagawa ng Santa Maria MPS, katuwang ang Barangay Peacekeeping and Security Officers (BPSO) ng Brgy. Sta. Cruz at PIT Bulacan East RIU 3 na nagbigay ng kaukulang intelligence packet sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Statutory Acts of Lasciviousness, sa ilalim ng Criminal Case Nos. C-131794 at C-131795.
Ang warrant ay inisyu at nilagdaan ni Judge Barbara Aleli Hernandez Briones, presiding judge ng Family Court Branch 1, National Capital Judicial Region, Caloocan City, noong Agosto 14, 2026.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Santa Maria MPS ang akusado para sa wastong disposisyon at sa kanyang kaukulang pag-turnover sa Court of Origin.
Muling binigyang-diin ni PColonel Jay B Baybayan, acting provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, na patuloy ang pinaigting na operasyon ng Bulacan PPO laban sa mga wanted person bilang bahagi ng pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at pagpapatupad ng batas sa lalawigan ng Bulacan.(Danilo Gravador)
