Pinanatili ni Vice President Sara Duterte na prayoridad ang direktang pagtulong sa mga Pilipino sa kabila ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Ayon sa kanya, ang pagtaas ng presyo ng pagkain, langis, at iba pang pangunahing pangangailangan ay epekto ng mga pandaigdigang krisis, kabilang ang digmaan sa Gitnang Silangan.
Aniya, patuloy ang implementasyon ng mga programang tulad ng PagbaBAGo sa edukasyon, libreng sakay sa mga bus ng OVP sa Metro Manila at iba pang siyudad, pati na rin ang Mag Negosyo ta ‘Day at pamamahagi ng RIICE boxes sa mga nangangailangan.
Dahil dito, hindi na itutuloy ang mga malalaking pagtitipon tulad ng Pasidungog at Kasarilayaan, at ang inilaan na pondo ay ililipat sa mas direktang tulong para sa mamamayan.
Binigyang-diin din ni VP Sara ang kahalagahan ng kahandaan sa mga paparating na hamon, tulad ng El Niño mula Abril hanggang Hunyo at posibleng pagbaha mula Hulyo hanggang Setyembre.
Pinayuhan niya ang mga pamilya na unahin ang pagkain, kalusugan, at edukasyon ng mga anak.
“Sa ating pagtitipid, unahin natin ang sapat na pagkain para sa ating pamilya, pagpapagamot sa may sakit, at ang edukasyon ng ating mga anak. Ang pinakamabisang panlaban sa krisis ay kahandaan,” pahayag ng Bise Presidente.
Sa kabila ng hamon, tiniyak ni VP Sara na kahit maliit ang tanggapan ng Pangalawang Pangulo, patuloy silang nagsusumikap upang makapaglingkod nang husto sa bawat Pilipino.
“Tayo ay isang bayang may matibay at malakas na pananampalataya sa Diyos, kaya patuloy tayong manalangin ng taimtim at nawa’y bigyan ang ating bansa ng lakas, gabay, at pagkakataon tungo sa tunay na mapayapa at masaganang buhay,” dagdag pa nito.

Share.
Exit mobile version