tesssssstt

IBINAHAGI ni Atty. Enrique dela Cruz, abogado ni Vic Sotto, na sanay na sa mga kontrobersiya ang TV host-actor pero nagdesisyon itong kasuhan ang direktor na si Darryl Yap dahil hindi niya mapapalampas na nadamay ang kanyang pamilya.
“Nakausap natin siya [Vic] nang personal at sinabi niyang kung sa kanya lang sana ito nangyari ay okay lang kaya lang ay naapektuhan ang kanyang pamilya. May mga threats or physical harm, grave threats even ‘yung kanyang asawa at ‘yung kanyang anak nabu-bully,” lahad ni Dela Cruz sa panayam ng daily program na “Agenda” nina Korina Sanchez-Roxas at Pinky Webb sa Bilyonaryo News Channel.
“Hinahanap ng mga tao [ang anak ni Vic]para sabihan lamang na rapist daw ang tatay mo. Ito po ‘yung nagbunsod sa aming kliyente na magsampa ng kaso dahil naapektuhan na ang kanyang anak, ang kanyang asawa. Marami kasing naniniwala doon sa pinost online,” dagdag niya.
“Ito ang paraan para maipaliwanag sa tao na hindi totoo ito at papanagutin natin ang gumagawa ng paninirang-puri.”
Nagsampa si Bossing Vic ng 19 counts ng cyber libel laban kay Yap sa Muntinlupa RTC kahapon, Enero 9.
Ipinaliwanag ng abogado na 19 bilang ng cyber libel ang isinampa nila dahil mayroon umano silang nakitang 19 online posting ni Yap na aniya’y malicious at defamatory kay Sotto, kung saan hayagan aniyang tinawag na rapist ang veteran actor.
Iginiit din ni Dela Cruz na hindi totoo ang inaakusang rape kay Sotto.
“Ang basehan ng aming kaso ay ang katotohanan na wala naman talagang nangyaring rape. Hindi totoo ‘yung alegasyon ng rape. Gawa-gawa po ito at dahil ito ay ikinalat online ni Mr. Darryl Yap, marami po ang naniniwala na akala nila ay totoo nga itong katagang sinabi na ‘Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?’ at ito po ang nakasira sa reputasyon ng aming kliyente na nagdulot ng iba’t ibang threats hindi lang sa kanya pati sa kanyang asawa at menor de edad na anak.”

Share.